SBU at AU, nagsalo sa 2 gold; Knott, naka-COVID-19 quarantine
- BULGAR
- Jun 26, 2021
- 2 min read
ni VA - @Sports | June 26, 2021

Matapos makamit ng College of St. Benilde ang unang gold medal na nakataya sa seniors division ng NCAA Season 96 speed kicking event, naghati ang San Beda University at Arellano University sa sumunod na dalawang gold sa pagpapatuloy ng virtual competition.
Nasaklit ng taekwondo jin ng Chíefs na si Stanley Roy Laguio ang gold medal sa batamweight class matapos umiskor ng 6.583 puntos.
Sumunod sa kanya si Axl Zerrudo ng San Sebastian College-Recoletos na nagtala ng 6.442 at Michael Christian Macario ng San Beda na umiskor ng 6.383 para makamit ang silver at bronze medal ayon sa pagkakasunod. Nanalo naman ng gold medal para sa Red Lions si Jack Janggo Natividad na nakatipon ng 6.883 puntos sa flyweight division.
Samantala, nahaluan ng lungkot ang naunang kasiyahan ng kampo ng trackstar na si Kristina Knott sa kanyang pagkopo ng pangarap na Olympic slot sa pamamagitan ng "universality rule" kasama ng iba pang mga track athletes mula Iceland, Singapore at South Sudan. Hindi kasi inaasahang nagpositibo ang Fil-Am sprinter sa COVID-19 na siguradong makakaapekto sa kanyang paghahanda para sa pagsabak niya sa darating na Tokyo Olympics. Inihayag ng National Sports Association ni Knott-ang Philippine Athletics Track and Field Association ang negatibong balita noong Miyerkules ng hapon. Kahit ang coach ni Knott na si Roshan Griffin ay hindi makapaniwala sa pangyayari dahil kumpleto na sa bakuna ang Fil-Am sprinter matapos magpabakuna ng Pfizer noong Mayo at ngayong buwan sa Florida. “She has no symptoms as she is already fully vaccinated. There hasn’t been any lags in training or anything wrong that’s going on with her. None of us contracted it. I’m the only one that’s fully vaccinated,” pahayag ni Griffin matapos nilang malaman ang resulta ng test na ginawa kay Knott bago sumalang sa Karlstad Grand Prix. Dahil dito, kasalukuyan ngayong nasa 5-day quarantine si Knott sa Sweden.





Comments