Sarah, duguan daw na pumunta sa bahay niya… DEREK KAY RICHARD: 'DI AKO SANG-AYON NA MANAKIT KA NG BABAE
- BULGAR
- Dec 22, 2023
- 2 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | December 22, 2023

Maagap na nilinaw ni Derek Ramsay ang tsikang duguang pumunta si Sarah Lahbati sa bahay nila ni Ellen Adarna para humingi ng tulong.
Ang tsikang ito ay konektado sa kumakalat na espekulasyong sinasaktan umano ni Richard Gutierrez ang misis na si Sarah at isa diumano sa mga dahilan ng kanilang hiwalayan.
Sa panayam ni Cristy Fermin kay Derek sa programang Cristy FerMinute ng One Ph kahapon, ayon sa aktor ay gusto niyang linawin ang tsismis na ito kahit hindi pa itanong sa kanya.
Nalaman daw nila ni Ellen na may ganitong tsikang kumakalat kahapon nang umaga nang mapanood nila ito sa TV.
Paglilinaw ng aktor, wala itong katotohanan.
“Hindi pumunta po rito si Sarah (na) duguan, kasi kung duguan siya pumunta rito, ako mismo ang pupunta ru’n sa bahay ni Richard at kakausapin ko siya,” pahayag ni Derek.
“Ako, ‘di ko siya (Richard) kilalang masyado pero hindi ako naniniwala sa… hindi ako sang-ayon na manakit ka ng babae,” dagdag niya.
Patuloy pa ni Derek, “Kahit anumang reason, kahit na pinrovoke ka or anything, in my books… kasi nanggaling na ako d'yan kaya may pinanggagalingan ‘tong ano ko, emosyon ko, eh.
“Ako, binugbog na ‘ko, lahat na, ginawa sa ‘kin, hindi ako nanakit.”
Kaya kung totoong pumunta raw si Sarah sa kanila na duguan ay hindi siya basta tatahimik lang at gagawan niya ito ng aksiyon mismo.
Inamin naman niyang maraming beses nang nakapunta si Sarah sa bahay nila dahil kaibigan ito ni Ellen at ang mga anak nila ay nag-aaral sa same school.
Nagpunta nga raw si Sarah kamakailan sa kanila dahil may collaboration ito kay Ellen at isa pang friend nila, pero hindi raw duguan ang misis ni Richard.
“She was her beautiful self. Yes, payat siya, mas payat siya from before, pero walang ganu’n,” sey pa ng aktor.
Dahil nadamay na rin sila sa issue ng hiwalayan nina Richard and Sarah ay nagbigay ng opinyon at payo si Derek tungkol dito.
“Can I just add, 'Nay (Cristy), ayokong makisawsaw sa mga ganyang klaseng mga issue kasi it’s none of my business. Pero nu’ng nabanggit nga ‘yung pangalan namin ni Ellen, I think I should express some of my feelings na this is between Richard and Sarah. I think all parties should keep quiet kasi in my experience, people who talk more are the ones na may itinatago.
“Both parties naman are keeping quiet and it’s sad na may ganito,” pahayag ni Derek tungkol sa breakup issue nina Sarah and Richard.
Payo pa ng aktor, “Nakakaawa ‘yung mga bata, dapat tahimik na lang.”





Comments