Sapat na suplay ng langis at produktong petrolyo, dapat tiyakin
- BULGAR

- Apr 2
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 2, 2026

Kamakailan ay ipinag-utos ng Pangulo ang pakikipag-usap ng ating Department of Foreign Affairs sa Embahada ng Iran upang matiyak na makakadaan at makarating nang ligtas ang mga oil tankers na dadaan sa Strait of Hormuz patungo ng Pilipinas.
Ikinagagalak natin ang balitang ito, lalo na’t iminungkahi ng inyong lingkod ang hakbang na ito nitong mga nakaraang araw. Kung ating babalikan, ginawa ng bansang Thailand ang parehong hakbang na magkaroon ng negosasyon sa bansang Iran. Kasunod nito, natiyak nilang makakadaan nang ligtas sa Strait of Hormuz ang kanilang oil tankers at mga commercial vessels.
Sa gitna ng matinding krisis na ating kinakaharap, mahalaga ang pakikipag-ugnayan natin sa iba’t ibang mga bansa, upang matiyak nating may sapat na suplay ng langis at mga produktong petrolyo na magagamit ng ating mga kababayan. Kailangang matiyak natin ang sapat na suplay ng mga produktong ito upang maprotektahan natin ang ating mga mamamayan mula sa pinsalang dulot ng kasalukuyang krisis sa ating ekonomiya.
Ang pakikipag-usap sa bansang Iran ay isa lamang sa mga hakbang na ating isinusulong upang malagpasan ng ating mga kababayan ang krisis na kinakaharap. Nitong mga nakaraang araw, nagmungkahi pa tayo ng ilang mga hakbang na maaaring magbigay ng proteksyon sa atin.
Kabilang dito ang panawagan natin sa Department of Energy (DOE) at sa Department of Trade and Industry (DTI) na tiyaking may sapat na suplay ng liquefied petroleum gas (LPG), bantayan ang presyo sa merkado, at kung kinakailangan ay magpataw ng price cap sa mga produktong ito.
Ang pagpataw ng price cap sa panahon ng krisis o sakuna ay alinsunod sa Republic Act No. 10623 na nag-amyenda sa ilang probisyon ng Price Act (RA 7581).Bilang Chairman ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, tinitiyak ng inyong lingkod ang kahandaan nating makipagtulungan sa UPLIFT (Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport) Committee na pinamumunuan ng Pangulo.
Matatandaang binuo ang UPLIFT Committee matapos ideklara ang national energy emergency sa bansa. Iisa ang ating layunin: gumawa ng mga hakbang upang bigyang proteksyon ang ating mga kababayan mula sa pinsalang dulot ng krisis sa Gitnang Silangan. Kung kinakailangan, nakahanda ang Senado na magpasa ng kaukulang batas o mga batas upang matulungan ang ating mga kababayan.
Sa mga susunod na araw, asahan ninyong patuloy nating isusulong ang mga hakbang at mga polisiya na layong itawid at ibangon ang ating mga kababayan sa gitna ng hinaharap nating krisis.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments