Sapat na atensiyon sa mga Pinoy na nagtatrabaho abroad, dapat lang!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | December 18, 2020
Ilang araw na lang, Pasko na muli. Gustuhin man nating makasama ang ating mga pamilya, kaibigan, at minamahal sa buhay sa panahong ito. Ngunit, makabubuting magtiis muna tayo nang kaunti para sa kaligtasan nating lahat.
Tayo sa gobyerno, patuloy ang serbisyo sa buong bayan, lalo na ngayong may COVID-19 pa at iba’t ibang kalamidad. Nitong mga nakaraang araw lang, dumayo ang ating tanggapan sa mga lugar upang maghatid ng tulong sa ating mga kababayan nating nangangailangan.
Personal na binisita ng inyong lingkod ang mga nasunugan sa Muntinlupa City noong Martes at Mandaue City kahapon upang matulungan silang makabangon muli. Ang ating staff naman ay naghatid din ng tulong sa Quezon City at Manila City nitong linggo ring ito.
Patuloy din ang tulong na inaabot natin sa tinamaan ng bagyo. Nitong linggong ito lamang — bukod pa sa natulungan noong nakaraang mga linggo — naghatid tayo ng ayuda sa Bato, Baras, San Miguel, San Andres at Virac sa Catanduanes; at sa Arayat, Magalang, Sta. Ana at Candaba sa Pampanga.
Pagkatapos bumisita sa mga nasunugan sa Mandaue City, dumayo tayo sa Lapu-Lapu City sa Cebu upang magbigay ng kaunting suporta sa mga market vendors doon na apektado ang kabuhayan dahil sa krisis.
Sa ating pag-iikot, namamahagi tayo ng food packs, vitamins, masks at face shields sa mga komunidad na aming nabibisita. Gayundin ang iilang tablets para sa mga estudyante at bisikleta naman sa mga kailangang maglakbay papuntang trabaho. Ang hiwalay na tulong ay bukod pa sa mga serbisyo mula sa mga programa ng mga ahensiya ng gobyerno, tulad ng financial assistance, livelihood packages, skills training, at pabahay — depende sa pangangailangan ng komunidad.
Tayo ay patuloy lang magtulungan at magmalasakit sa kapwa upang malampasan ang mga pagsubok na ito at makabangon muli bilang nagkakaisa at mas matatag na bansa. Ang ating bayanihan ang magiging susi sa pag-ahon sa mga krisis na hinaharap natin.
Kaya patuloy tayong nag-iikot kahit Pasko upang makiisa sa ating mga kababayan, lalo na ang mga mahihirap at may sakit. Mapangiti at mapasaya lang naman natin sila sa oras ng kanilang pagdadalamhati sa kabila ng mga suliranin ngayon, malaking bagay na ito.
Sa usapin naman sa Senado, naglabas na si Pangulong Rodrigo Duterte ng sulat sa lehislatibo “certifying as urgent” ang bill na ating nai-file na naghahangad na maitayo ang Department of Overseas Filipinos.
Dapat lang bigyan ng sapat na atensiyon ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan abroad, lalo na ang mga OFWs, para matulungan ang ating mga itinuturing na bagong bayani na makabangon muli lalo na’t marami sa kanila ang nawalan ng trabaho dulot ng epekto ng pandemya sa buong mundo.
Maliban dito, nanawagan din tayo sa pamahalaan na tiyaking maayos ang pagpapatupad ng national COVID-19 vaccine roadmap. Huwag pabayaan ang mga ordinaryong Pilipino. Unahin ang mahihirap, vulnerable sectors, at frontliners — kasama ang mga medical workers, uniformed personnel, at teachers. Bigyan dapat ng sapat at tamang impormasyon ang publiko para hindi matakot at upang magkaroon ng kumpiyansa tungkol sa mga vaccines na ito.
Kaunting tiis na lang. Ginagawa ng gobyerno ang lahat ng kailangan para makabalik tayo muli sa normal na pamumuhay. Kailangan ang inyong kooperasyon. Manatili tayong ligtas ngayong Kapaskuhan para sa sarili, pamilya, at buong bansa. Ang maayos na kalusugan ang pinaka-importanteng regalo na maibibigay natin sa ating mga mahal sa buhay. Kayang-kaya natin ito! Magbayanihan tayong lahat!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments