Sapat, ligtas at epektibong bakuna para sa mga Pinoy, sisiguruhin!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 17, 2021
Importante ang buhay ng bawat Pilipino. Kaya naman nang magkaroon na ng bakuna laban sa COVID-19, agaran tayong nakilahok sa mga organisasyon, tulad ng World Health Organization, at nakipag-ugnayan sa mga pharmaceutical companies at ibang bansa para makakuha ng sapat, ligtas at epektibong mga bakuna para sa mga Pilipino.
Patuloy lang tayong manalig, magkaisa at magbayanihan dahil ginagawa na ang lahat upang maibalik sa normal ang ating mga pamumuhay. Kaunting tiis lang habang binabalanse natin ang kalusugan at ekonomiya. Tandaan nating ang pera ay kikitain nating muli kung magsipag tayo, pero ang buhay ay hindi mabibili.
Sa parte ng Senado, isinusulong nating mapadali ang pagkuha ng bakuna sa tulong ng mga local government units. Kaya naman, buo ang ating suporta sa panukalang magpapadali ng proseso sa pagbili ng bakuna sa pamamagitan ng mga exemptions sa iilang requirements ng Government Procurement Act. Bagama’t mapabibilis nito ang pagkuha ng sapat na bakuna, paalala lang sa lahat na dapat masigurong walang masasayang na pera ng bayan at magagamit ito sa wastong paraan.
Suportado rin natin ang panukala hinggil sa pagkakaroon ng Vaccine Indemnification Fund para maging mas handa tayo sa kung meron mang hindi kanais-nais na epekto sa tao ang paggamit ng COVID-19 vaccine.
Importante na maisabatas ang mga ito dahil malaking parte ito ng ating National COVID-19 Vaccine Roadmap at kailangan ito upang patuloy ang pag-rollout ng mga bakuna sa ating bansa. Hiniling din natin na i-certify as urgent ito upang maisabatas sa mas lalong madaling panahon.
Samantala, patuloy ang ating panawagan sa mga ahensiya na siguruhing ligtas, epektibo at sapat ang mga bakunang ituturok sa mga Pilipino. At oras na meron na tayo, bigyan natin ng prayoridad ang mga frontliners, mahihirap at mga vulnerable sectors, kasama na ang mga atleta, guro at senior citizens.
Mas paigtingin din natin ang mga information and education campaign upang mas lalong maintindihan ng mga kababayan natin ang plano sa bakuna at walang maiwan sa ating muling pagbangon mula sa krisis na ito.
Magtulungan tayo at magtiwala sa gobyerno. Maraming oras na ang nasasayang sa pagdududa. Kawawa ang frontliners. Kawawa rin ang mahihirap nating mga kababayan. Sa bawat oras na ating sinasayang sa pagdududa, buhay ang nakataya.
Samantala, isa sa mga pinakaapektado ng kasalukuyang pandemya ang mga overseas Filipinos. Kaya noong Lunes ay tinalakay sa Senado ang panukala nating magtatatag ng Department of Overseas Filipinos.
Gusto man nating hindi na kailangan mag-ibang bansa ang mga Pilipino para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya, hindi rin natin maikakaila na sampung milyong Pilipino ang nasa abroad o halos 10% ng ating populasyon. Habang sinisikap nating bigyan sila ng mas maraming oportunidad dito, huwag rin natin pabayaan ang karamihan sa kanila na may hinahaharap na iba’t ibang pagsubok sa ibang bansa. Responsibilidad nating alagaan ang ating mga kababayan kahit nasaan man sila sa mundo dahil naniniwala tayo na importante ang buhay ng bawat Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments