Sapat at tamang impormasyon, implementasyon at pagsunod sa health protocols, mas paigtingin!
- BULGAR
- Mar 17, 2021
- 2 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 17, 2021
Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa, hinihimok natin ang gobyerno na mas paigtingin ang pag-implementa ng health at safety protocols hanggang sa mga barangay at lalo na sa mga pampublikong lugar.
Mas maging proactive sa implementasyon ng mask wearing policy sa bansa. Kung walang mask ang tao ay bigyan, lalo na sa mga lugar na madalas puntahan. Makatutulong ang pagbibigay ng libreng masks at face shields sa mga hindi kayang bumili nito.
Maliban dito, mas paigtingin din ang information campaign laban sa pandemya upang alam ng mga Pilipino ang kanilang gagawin para makatulong sa pagtigil at pagkalat ng virus.
Mahalaga ang edukasyon at pagbigay ng tamang impormasyon upang lahat ay maging bahagi ng bayanihan para malampasan ang krisis. Lalo na sa panahon ngayon kung kailan marami pa sa ating mga kababayan ang may tanong pa rin tungkol sa pandemyang higit isang taon na, at bakuna na tanging susi upang malampasan ito.
Huwag tayong maging kampante at sumunod sa mga umiiral na health guidelines sa kanilang mga lugar upang tuluyang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Kung may makita tayong hindi sumusunod sa patakaran, sama-sama nating paalalahanan ang ating kapwa Pilipino dahil hindi lang proteksiyon niya o ng ating sarili ang nakasalalay, kundi ang kapakanan ng buong sambayanan.
Iwasan nating maging kampante lalo na ngayong abot-kamay na natin ang tagumpay laban sa pandemya. Pataasin natin ang kumpiyansa sa bakuna at magtiwala tayo sa National Vaccine roadmap ng gobyerno na iniimplementa ngayon. Huwag tayong matakot sa bakuna, matakot tayo sa COVID-19.
Matapos nating mabakunahan ang mga frontliners, isusunod natin agad ang mga kababayang pinaka-nangangailangan at pinaka-apektado ng pandemya upang unti-unti nating maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay. Prayoridad dito ang mahihirap, informal settlers, isang kahig isang tuka, ‘yung mga kailangan talaga lumabas ng bahay para magtrabaho, at ‘yung hindi pa nga alam saan kukunin o para saan ang mga bakunang ito.
Hindi natin sila pababayaan at sisiguraduhin na walang maiiwan tungo sa ating pagbangon. Tulad ng sinabi ng Pangulo, ‘No Filipino must be left behind towards recovery’.
Patuloy nating bigyan ang ating mga kababayan ng kailangan nilang impormasyon at proteksiyon, tulad ng masks, face shields, at sapat na paalala sa mga patakaran na dapat sundin.
Patuloy tayong magtulungan upang hindi masayang ang ating mga sakripisyo sa gitna ng pandemya ng nakaraang taon. Suportahan din natin ang National Vaccine Roadmap upang magtuluy-tuloy na ang pagbangon ng ating bansa laban sa public health issue na ito.
Bayanihan, serbisyo, pagmamalasakit at bakuna — ito ang ating pinaka-epektibong sandata laban sa pandemya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments