top of page
Search
  • BULGAR

Sapalaran sa Olympic Berth ang 5 Pinoy Rowers sa Tokyo

ni VA - @Sports | April 26, 2021





Makikipagsapalaran upang magkamit ng Olympic berth ang limang Filipino rowers sa idaraos na 2021 World Rowing Asian and Oceanian Olympic Qualification Regatta sa susunod na buwan sa Tokyo, Japan.

Nakatakdang ganapin ang mga karera para sa Asia and Oceania Olympic qualifers sa Mayo 5-7 sa mismong venue ng Tokyo Olympics rowing competitions sa Sea Forest Waterway sa Tokyo Bay.

Ang pareha nina Melcah Caballero at Joanie Delgaco na mga gold medalists sa women's lightweight double sculls event noong 2019 Southeast Asian Games ay makikipagsapalaran para makamit ang isa sa tatlong nakatayang Olympic slots sa kanilang division.

Gaya nila ay makikipag-agawan din ang pareha nina Roque Abala Jr. at Zuriel Sumintac sa nakataya namang tatlo ring Olympic tickets sa men's lightweight double sculls. Solo namang entry ng bansa si 2019 SEA Games gold medalist Cris Nievarez sa men's lightweight singles sculls event kung saan may nakatayang limang Olympic slots.

Nakapagsanay naman ng tuluy-tuloy ang mga Pinoy rowers anim na beses kada linggo sa mga nakalipas na buwan sa kabila ng mga paghihigpit na ipinatutupad ng gobyerno dulot ng COVID-19 pandemic sa La Mesa Dam kung saan sila nagsasanay at nanunuluyan sa ilalim ng superbisyon nina coach Ed Maerina at ng kanilang Uzbek mentor na si Shukhrat Ganiev.

Noong nakaraang Pebrero , lumahok sina Caballero at Delgaco sa virtual 2021 World Indoor Rowing Championships kung saan tumapos na pang-apat si Caballero sa women's 500m race habang pang sampu naman si Delgaco sa women's Under-23 500m race.

Ayon pa kay Maetina, dererminado ang limang Pinoy rowers na mag-qualify at makasunod sa yapak nila ni Benjamin Tolentino bilang mga natatanging mga Filipino na nakalahok sa Summer Olympics rowing competitions.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page