Sanib-puwersa na… COCO AT DINGDONG, MAY GAGAWING PROJECT PARA SA MGA TAGA-SHOWBIZ
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | May 21, 2026

Photo: IG _cocomartin_ph
Opisyal nang inanunsiyo ng aktor na si Dingdong Dantes ang pagsapi ni Coco Martin sa AKTOR – League of Filipino Actors.
Sa kanyang Facebook (FB) at Instagram (IG) account ay nagbahagi si Dong ng mga larawan sa katatapos lang na general assembly ng naturang organisasyon ng mga aktor kung saan ay nanumpa si Coco bilang miyembro.
Makikita rin sa larawan si Charo Santos-Concio na isa rin sa mga importanteng figures sa AKTOR, ang kasalukuyang presidente na si Iza Calzado, gayundin ang iba pang miyembro tulad nina Cherry Pie Picache, Agot Isidro at iba pa.
Sa caption ay ikinuwento ni Dingdong na nagsimula ang usapan ng pagsapi ni Coco sa AKTOR nang pumunta silang dalawa sa bahay ni Ma’am Charo noong nakaraang taon.
“Last year, nagkaroon kami ng isang importanteng usapan sa bahay ni Ma’am Charo, kaming tatlo ni Coco,” simula ni Dong.
“Nauwi ang kuwentuhan sa mga hangarin namin para sa industriya, para sa sektor ng mga artista, at para sa komunidad na patuloy naming sinusubukang palakasin,” patuloy niya.
Ipinahayag din ng founding chairman ng AKTOR ang kanyang kasiyahan na makasama ang mga taong may malasakit sa industriya.
“At siguro, ‘pag may mga taong kasama kang may parehong malasakit para sa kapwa-aktor, mas lalo mong naiintindihan kung bakit mo ginagawa ang lahat ng ‘to. Mas nararamdaman mong posible pala ang mga bagay na dati’y parang ang hirap abutin basta may mga taong handang makiisa at tumulong sa atin,” aniya.
Kasunod nito ay inanunsiyo rin ni Dingdong na mayroon silang ilulunsad na ‘solid and concrete’ project na pamumunuan ni Coco.
“Nakakatuwang isipin na ang usapang ‘yun ay magiging isang solid at konkretong proyekto very soon, na ilulunsad namin kasama si Coco, na siya rin mismo ang mamumuno nito sa ilalim ng AKTOR,” aniya.
“Welcome to AKTOR, Coco Martin! At salamat po, Ma’am Charo,” ang mensahe ni Dingdong.
Ngayon pa lang ay excited na ang mga fans kung ano ang major collaboration na magaganap sa dalawang itinuturing na mga showbiz royalties ng industriya.
ARAL o iskandalo? Ano ba talaga ang hinahanap ng manonood sa primetime?
Sa mga TV series, alam nating pinakamabenta pa rin ngayon ang mga seryeng punumpuno ng iskandalo, krimen, pagtataksil, rebelasyon, at kung ano pang mas nagdaragdag ng thrill at hook sa istorya.
Pero may lumalakas ding ibang klase ng istorya na kinahihiligan ng mga viewers – mga kuwentong hindi lang nagpapagulat kundi nagpaparamdam. Isang example nito ang My Bespren Emman ng TV5, na kuwento ng isang taong nagkamali, nasira, pero gustong bumawi. Hindi siya perpekto. At siguro, doon siya nagiging totoo.
Kaya maraming viewers ang nakaka-relate — hindi dahil sa laki ng eksena, kundi dahil sa lalim ng emosyon.
Sa panahon ngayon, marami ang pagod, marami ang may pinagdaraanan, at hindi lahat, gusto ng mas matinding gulo sa TV.
Minsan, gusto lang nila ng kuwentong magsasabing, “Hindi ka pa tapos.”
Hindi ibig sabihin, mawawala ang iskandalo. Nandiyan pa rin ‘yan — at may audience pa rin. Pero unti-unting lumalakas ang puwang para sa kuwentong may puso.
Dahil sa dulo, hindi lang ingay ang hinahanap ng tao kundi koneksiyon.





Comments