top of page

Sangkatutak na mangraraket sa Maynila, magawa kayang hulihin ng gobyerno ni Yorme Isko?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 1, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 1, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

DAPAT ANG ITALAGA NI PBBM NA BAGONG OMBUDSMAN, MAY ‘BALLS’ LABAN SA MGA KURAKOT AT HINDI ‘TUTA’ NG MGA POLITICIAN -- Sa July 27, 2025 ay tapos na ang termino at bababa na sa kanyang puwesto si Ombudsman Samuel Martires.

Sana ang italaga ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na papalit kay Martires ay Ombudsman na may "balls" na banggain ang mga kurakot sa pamahalaan, at hindi Ombudsman na "tuta" ng mga politician, period!


XXX


KAPAG TINUTOO NINA ESCUDERO AT CAYETANO ANG TARGET NILANG ‘DISMISSAL WITHOUT TRIAL’ SA KASO NI VP SARA, BAKA DISBAR ANG ABUTIN NILA -- Sa mga abogado sa ‘Pinas, dalawang lawyers lang, sina Senate President Chiz Escudero at Sen. Alan Cayetano, ang nagsasabing kahit walang maganap na impeachment trial ay puwede raw i-dismiss agad sa pamamagitan ng majority votes ng mga senator-judges ang mga kasong impeachment ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.


Halos lahat kasi ng abogado sa bansa ay nagsabing wala sa Konstitusyon ang binabanggit nina Escudero at Cayetano na “dismissal without trial”.

Kapag tinutoo nina Escudero at Cayetano ang target nilang "dismissal without trial", malamang disbar ang abutin nilang dalawa dahil nilabag nila ang Konstitusyon, boom!


XXX


MGA DDS HAPPY NA ULI, INDIKASYONG MAKAKAUWI PA RIN SA DAVAO SI EX-P-DUTERTE DAHIL KARATULANG FOR SALE SA BAHAY, TINANGGAL NA -- Ikinalungkot ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ang napabalitang ibinebenta na ang bahay ni ex-P-Duterte sa Davao City kaya puro sad ang reactions nila sa social media dahil nga tila indikasyon ito na hindi na makakauwi ng lungsod ang dating presidente.


Pero kamakalawa ay nagbalik-saya ang mga DDS kasi tinanggal na ang karatulang for sale sa tahanan ng ex-president na indikasyon ngayong makakauwi pa rin ito sa Davao City, kaya ang sad reactions nila (mga DDS) noong una ay pinalitan na nila ng love reactions, period! 


XXX


MAGAWA KAYA NG GOBYERNO NI YORME ISKO SA MANILA NA HULIHIN ANG SANGKATUTAK NA MGA MANGRARAKET? – Kamakailan (June 29, 2025) sinabi ni Mayor-elect Isko Moreno na sa umpisa ng kanyang panunungkulan bilang alkalde uli ay mababalik na raw ang gobyernong pang-Maynila.


Sa totoo lang, sa panahon ng panunungkulan ni former Manila Mayor Honey Lacuna ay parang walang gobyernong nanghuhuli sa mga mangraraket sa lungsod na sina alyas "Boy Abang," "Lorna," "Paknoy,"  "Dani Bukol," "Anna," "Prades," "Tonton," "Tata Ber", at "Lando."


Ngayong balik-alkalde na si Yorme Isko, tingnan nga natin kung may gobyerno ang Manila na huhuli sa sangkatutak na mga mangraraket sa lungsod, abangan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page