top of page
Search
  • BULGAR

Sana all, magkabahay!

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 21, 2023


Nakakagalit ang nakita nating mga larawan at video ng malawakang pagkasira ng “corals” o mga koral sa Rozul Reef at Escoda Shoal na bahagi ng ating “exclusive economic zone” sa West Philippine Sea (WPS).


Ang mga koral ang nagsisilbing pinagkukunan ng pagkain at tirahan ng mga isda at iba pang lamang dagat at sa gitna ng pagkasira nito, malalagay sa balag ng alanganin ang buhay o “biodiversity” ng ating karagatan.


Kalaunan, dadalang na ang iuuwing huli ng ating mga mangingisda mula sa kanilang pagpalaot at mawawalan na sila ng pagkukunan ng kanilang ikabubuhay.


Ilang taon na rin tayong kinakaya-kaya ng China at sa tuwing maiisip ng mga ito na wala namang magawa ang ating pamahalaan, lalo itong nambu-bully sa sarili nating teritoryo.


Hindi natin dapat tantanan ang pagpapatrolya at pagprotekta sa ating hurisdiksyon bago pa tuluyang mapasakamay ng abusadong banyagang bansa ang lahat ng ating yamang dagat.


Kailangang magdagdag ng pondo at manghingi ng suporta ang pamahalaan para maitaboy ang mga operasyon ng China sa ating mga eksklusibong sona, sa halip na mangunsinti sa mga kaduda-dudang confidential funds, dahil bulgar naman na kung sino ang garapal na naglalagay sa panganib at nananamantala sa ating mga mangingisda at mamamayan.


Samantala, may mga dumulog sa ating mga kababayang nagtatanong kung paano sila mapapabilang sa maaaring tulungang magkaroon ng sariling bahay ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at iba pang ahensya ng gobyerno. Kaya kinakalampag natin ang DHSUD na magsagawa ng malawakan at sistematikong pagpapakalat ng impormasyon para makaabot sa lahat kung paano makakasali sa pabahay o “4PH” ang mahihirap nating mamamayan.


Gayundin, sinilip ng isa nating mambabasa ang listahan ng mga kailangang isumite sa PAG-IBIG at kailangan ang tinatawag na “equity” na 20% ng halaga ng iniuutang na bahay. Ang problema, wala siyang sapat na ipon para sa “equity.” Ganyan din ang housing loan requirement ng mga bangko, kaya isinantabi na lamang ng ating mambabasa pansamantala ang kanyang pangarap na magkabahay.


Marami sa ating kababayan ang hindi na magawang magtabi ng pera o mag-ipon kahit kaunti dahil kulang na kulang ang kanilang kinikita sa pang-araw-araw na gastos. Gaya ng ating nabanggit nitong nakaraan dahil puno pa sila ng utang.


Kaya kahit gusto nilang makaipon ng pang-equity para makahiram ng pondo at makabili ng bahay, malayo pa sa katotohanang magagawa nila iyan.


Magugunitang idineklara ni Pangulong Bongbong Marcos na prayoridad ng kanyang pamahalaan ang pag-address sa kasalukuyang housing backlog, at umaasa ang ating mga kababayan na hindi sila makakalimutan at mapag-iiwanan. ‘Wag sanang mapako ang pangako.


Malaking tulong sa taumbayan kung epektibong aalalayan sila ng mga ahensya ng pamahalaan para mapagaan at mapabilis ang mga prosesong kailangang pagdaanan.


Kaya sana matupad ang pangarap nila na magkaroon ng sariling tirahan. Sino ba naman ang hindi gustong magkabahay?

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.






1 comment

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page