top of page

Sama-samang harapin ang ‘bagong umaga’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 27, 2021
  • 4 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |December 27, 2021



Sa gitna ng mga kalamidad na ating nararanasan, nais nating gamitin ang pagkakataong ito upang manawagan sa mga Pilipino na magkaisa para tulungan ang mga nasalanta ng Bagyong Odette.


Para sa atin, mahirap maramdaman ang saya ng Kapaskuhan kung alam nating may mga kababayan tayong naghihirap. Kaya wala tayong pahinga sa pagsigurong makararating ang tulong sa mga nangangailangan. Mas nanaisin pa nating mag-Pasko kapiling ang mga biktima ng bagyo dahil ito naman ang tunay na diwa ng okasyong ito — ang pagtulong, pagdadalamhati at pakikipagkapwa-tao.


Kasalukuyang ginagawa ng gobyerno ang lahat upang maibalik sa lalong madaling panahon ang supply ng kuryente, komunikasyon at tubig at maipagkaloob ang mga ayuda sa mga apektadong residente. Ngunit kailangan ang whole-of-nation approach para masiguro ang mabilis at tuluy-tuloy na pagbangon ng ating mga kababayan.


Para siguraduhin ang maayos na koordinasyon ng relief at rebuilding efforts, personal nating tinututukan nitong mga nakaraang araw ang mga pinsalang naidulot ng Bagyong Odette. Sa mga pagbisitang ito, nakipagpulong din si Pangulong Duterte sa mga lokal na opisyal upang direktang marinig mula sa kanila ang kanilang mga pangangailangan at agarang matugunan ang mga ito.


Nakapagpasagawa rin tayo ng aerial inspections at nag-abot ng karagdagang relief supplies sa mga tinamaang lugar sa Siargao Island, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Southern Leyte, Cebu, Bohol, Negros Occidental at Negros Oriental noong Disyembre 18, 19, 20 at 22. Kahapon naman, Disyembre 23, ay bumalik kami ng Cebu at pinuntahan din namin ang mga nasalanta sa Palawan upang masigurong mabibigyan ng sapat na atensyon ang mga nasalanta.


Ibinilin ng Pangulo na gamitin lahat ng assets ng gobyerno upang muling maibangon ang mga komunidad na apektado. Inaasahan niya na lahat ng ahensya ng gobyerno ay nakatutok sa recovery and rehabilitation efforts at walang oras o pondo na masasayang.


Ipinaalala rin ng Pangulo na dapat mai-release na agad ang karagdagang pondo para sa mga LGUs upang makaresponde sila sa mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan.


Naglabas din si Pangulong Duterte ng Proklamasyon Blg. 1267 na naglalagay sa Rehiyon IV-B (MIMAROPA), VI (Western Visayas) VII (Central Visayas), VIII (Eastern Visayas), X (Northern Mindanao) and XIII (Caraga) sa ilalim ng state of calamity para i-fast track ang rescue, relief at rehabilitation operations at bilisan ang daloy ng humanitarian aid.


Dahil nasa panahon tayo ng matinding pagsubok, hindi rin tumitigil ang inyong lingkod sa pagresponde sa mga nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemyang COVID-19 at mga naging biktima ng iba pang krisis.


Mula Disyembre 18 hanggang 23, nag-abot tayo ng dagdag-suporta sa 4,500 na market vendors, tricycle drivers at indigent families sa Palauig, Botolan at San Marcelino, Zambales; 3,000 na miyembro rin ng TODA sa Malangas, Zamboanga Sibugay; 3,500 na mangingisda at solo parents sa Barangays Angliongto, Wilfredo Aquino, Duterte, Panacan, Sasa, Tibungco at Vicente Hizon, Sr. sa Davao City; at 2,000 solo parents, volunteers at local leaders sa General Santos City.


Tinulungan din natin ang 1,610 na indigents sa Bonifacio, Misamis Occidental; 1,538 na micro-entrepreneurs sa Sibutad, Zamboanga del Norte; 1,000 na miyembro ng iba’t ibang sektor sa Esperanza, Sultan Kudarat; 1,000 na market vendors at transport workers sa Kalawit, Zamboanga del Norte; at 1,000 naman na indigents na pamilya sa Bgy. Carmona, Makati City.


Upang masiguro ang kanilang muling pagbangon mula sa hirap na kanilang hinaharap, nagbigay tayo ng tulong sa 450 na displaced workers sa Manila City; 352 na pasyente sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City; 153 na biktima ng sunog sa Caloocan City; at 33 naman na persons with disabilities sa Santa Teresa, Rizal.


Samantala, bilang chair ng Senate Committee on Health, masaya nating ibalita na, as of December 22, meron nang 104.38 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 ang naiturok, kung saan 56.73 milyong mga Pilipino ang nakakuha na ng unang dose, at merong 46.38 milyong kababayan naman natin ang nakakumpleto ng vaccine doses.


Meron ding mahigit 1.27 milyong doses ng booster shots ang naiturok. Ang bansa ay meron nang kabuuang 197.42 milyong doses ng mga bakuna na dumating. Tuluy-tuloy ito hanggang masigurong ligtas ang ating komunidad at makabalik na tayo sa normal na pamumuhay.


Marami tayong hamon sa buhay na pinagdaanan. Pero ang bawat hamon ay malalampasan natin dahil sa ating patuloy na pagmamalasakit at pakikipagbayanihan sa isa’t isa.


Nagpapasalamat tayo kay Pangulong Duterte sa kanyang mahusay na pamumuno bilang ama ng bansa. Kung kaya’t sa kabila ng mga panibagong trahedya, nananatiling matatag ang ating paniniwala na tuluyan na nating makikita ang liwanag sa dulo ng ating mahabang paglalakbay sa gitna ng pandemya.


Patuloy lang na gagawin ang lahat na aming makakaya upang masigurong naibibigay ang maayos, mabilis at maaasahang serbisyo na nararapat sa inyo. Gagawin namin ito upang mabigyan kayo ng pag-asa na tuluyang maisakatuparan ang pangakong mabigyan ang mga Pilipino ng mas komportable at maginhawang buhay.


Kaya sa Paskong ito at sa darating na Bagong Taon, dalangin ko, bilang inyong Kuya Bong Go, na ipagpatuloy lang natin ang pakikipagkapwa-tao sa isa’t isa. Sama-sama nating harapin na puno ng pag-asa ang bagong umaga kasama ang ating mga mahal sa buhay bilang nagkakaisang sambayanang Pilipino!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page