Search
  • BULGAR

Sama-sama nating malalagpasan ang pagsubok na dulot ng COVID-19!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 07, 2021



Lagpas isang taon na ang COVID-19. Maraming buhay ang nawala, maraming nagbago sa ating pamumuhay. At kung kailan sumibol na ang pag-asa dahil sa pagdating ng mga bakuna, bigla namang bumagsik ang COVID-19 gawa ng mga bagong variants nito at naging mas agresibo ang hawahan sa ating bansa tulad din sa iba’t ibang parte ng mundo.


Upang maagapan ang panibagong mabilis na pagkalat ng COVID-19, napagpasyahan ng ating gobyerno na muling iimplementa ang enhanced community quarantine sa National Capital Region at sa malalapit na mga probinsiya, tulad ng Laguna, Bulacan, Rizal at Cavite, o ang NCR Plus.


Ngunit bukod sa mas istriktong mga patakaran, bilang Chair ng Senate Committee on Health, umapela rin tayo sa mga ahensiya ng gobyerno, kasama ang pribadong sektor, na bilisan ang pagtatayo ng mga pasilidad na puwedeng gamitin bilang modular facilities na may ICU beds para sa mga malulubha ang kondisyon.


Nakakaawa ang mga kababayan nating naghihingalo na, tapos wala pang mapasukan na ospital. Buhay ang nakasalalay sa bawat minutong paghihintay makakuha lang ng ospital, kama at doktor para maalagaan sila. Huwag nating hintayin na nag-aagaw buhay na sa labas ng mga ospital ang ating mga kababayang may malubhang sakit.


Kaya nagpapasalamat tayo sa agarang tugon ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbubukas ng bagong pasilidad na mayroong 110-bed capacity para sa mga pasyente at dormitory para sa mga healthcare workers sa DOH-QI Offsite Modular Hospital sa Quezon City, na dinaluhan natin kahapon, Abril 6.


At dahil sa pinairal na ECQ sa NCR Plus, maraming Pilipino ang nahihirapang maghanapbuhay. Kaya nagpapasalamat tayo kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-apruba ng Supplemental Amelioration Program para makakakuha ng ayuda mula sa gobyerno ang higit kumulang 22.9 milyong mahihirap na Pilipino sa loob ng NCR Plus.


Hinihimok natin ngayon ang mga ahensiyang mag-iimplementa nito, at mga apektadong LGUs, na bilisan ang pagbigay ng ayuda sa mga benepisaryo upang mapagaan kahit papaano ang hirap na pinapasan ng ating mga kababayan.


Ang prayoridad natin ay makapagligtas ng buhay ng mga Pilipino. Kaakibat d’yan ang pagsigurong maiiwasan hindi lang ang sakit, kundi pati rin ang gutom at kahirapan.


Nagpapasalamat din tayo sa ating mga frontliners, tulad ng mga doktor, nars, at iba pang healthcare workers, pati na rin mga pulis, sundalo at ordinaryong mga kawani ng gobyerno at pribadong sektor, na patuloy ang sakripisyo at serbisyo para sa bayan.


Sa Visayas lamang, higit kumulang isang daang health workers na ang nagboluntaryo na ma-deploy sa NCR Plus para tumugon sa mga pangangailangan ng mga ospital. Patunay lamang ito na sa kabila ng pandemya, matatag pa rin ang diwa ng bayanihan sa bansa.


Maikli lang ng buhay, kaysa sayangin ang panahon sa sisihan, gamitin na lang sana natin ang ating oras at lakas para magtulungan.


Kaya sana, kung gusto nating matigil ang pagkalat ng COVID-19 at malampasan ang gutom at hirap, kailangan nating magkaisa. May kapangyarihan tayong talunin ang mga suliranin na ito kung magsasama-sama tayo. Ang bawat isa sa atin ay may papel na dapat gampanan. Lahat tayo ay dapat maging bahagi ng solusyon. Tandaan na ang ating kooperasyon, bayanihan, at malasakit sa kapwa ay makapagliligtas ng buhay ng kapwa nating Pilipino!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.