top of page

Salamat ma’am at sir sa sakripisyo at dedikasyon!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 11
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 11, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


NgayongTeachers’ Month, binibigyang pugay natin ang mga guro na naging gabay at haligi ng ating lipunan. Hindi lang sila nagtuturo ng leksyon sa klase, kundi sila rin ang nagtuturo ng disiplina, malasakit, at pangarap sa bawat estudyanteng kanilang hinahawakan.


Kamakailan, naimbitahan tayo bilang guest speaker sa 50th Annual District Convention ng Kiwanis Southern Philippine District na ginanap sa Lanang, Davao City nitong September 6. May pagkakataon akong makita ulit ang isa sa pinakamahalagang guro sa aking buhay — si Teacher Araceli “Didit” Layog.


Siya ang naging guro ko noong nursery pa lang ako at, ngayon, 71 years old na siya at nagsilbing emcee ng event. Napakasaya ng inyong Senator Kuya Bong Go na makasama si Teacher Didit. Mahigpit na yakap at isang munting regalo ang ibinigay ko kay Teacher Didit. 


Malaki ang kontribusyon ng mga guro sa ating mga buhay. Importante sila sa paghubog ng ating kabataan para maging produktibong miyembro ng ating lipunan. Para sa akin, teaching is still the most noble profession.


Nagpapasalamat ako kay Teacher Didit sa kanyang sakripisyo, gayundin ng lahat ng ating mga guro. Sila ang tunay na bayani na kung minsan ay hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala.


Kaya naman sa Senado, sinisikap kong maipasa ang mga panukalang batas na makakatulong sa kanila. Isa na rito ang pagiging isa sa mga author at co-sponsors ng Republic Act No. 11997, o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act, na nagtaas ng teaching supply allowance para sa mga public school teacher.


Bukod dito, naghain din ako ng Senate Bill No. 410, o ang Monthly Allowance for Teachers and Non-Teaching Personnel bill, na layong magbigay ng buwanang stipend para sa ating mga guro at non-teaching staff sa public schools. Para sa akin, hindi lang ito dagdag-tulong pinansyal, kundi isang paraan ng pagpapakita ng pasasalamat at pagkilala sa kanilang malaking kontribusyon sa bayan.


Kung wala ang ating mga guro, wala ring mga doktor, inhinyero, pulis, sundalo, nurse, pati na mga senador na katulad ko. Kaya’t sa lahat ng guro sa buong bansa, saludo ako sa inyo. Hindi matatawaran ang inyong papel sa paghubog ng ating kinabukasan. Maraming salamat!


Samantala, noong nakaraang linggo, bumisita ang aking Malasakit Team sa isang komunidad sa grassroots upang tumulong sa mga kababayang Pilipino na nangangailangan, kung saan nagpaabot tayo ng tulong sa siyam na pamilyang naapektuhan ng sunog sa Basey, Samar; at 47 naman sa Mati City, Davao Oriental.


Natulungan din natin ang 744 benepisyaryo na naapektuhan ng nagdaang Bagyong Kristine sa Looc, Occidental Mindoro. Nakipagtulungan din ang Malasakit Team sa pambansang pamahalaan upang matulungan ang mga benepisyaryo na makakuha ng post-disaster shelter assistance para sa mga pamilyang lubusang nasira ang bahay, bilang tulong sa kanilang muling pagbangon, sa pamamagitan ng programang aming isinulong.


Namahagi rin tayo ng tulong sa 69 na flash flood victims nating kababayan sa Don Marcelino, Davao Occidental.


Dumalo rin ang Malasakit Team sa pagbubukas ng Super Health Center sa Balagtas, Bulacan; at unang anibersaryo ng isa pang Super Health Center sa Nabunturan, Davao de Oro.


Hinding-hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay ninyo sa akin. Magtatrabaho ako para sa Pilipino, at iyan ang puwede kong ialay sa inyo. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos. 


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page