Sala sa init, sala sa lamig ang pagtupad sa tungkulin ng PNP
- BULGAR

- Nov 11, 2020
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 11, 2020
Medyo naudlot ang pag-inom natin ng kape nang mapanood ang video ng naganap na shootout habang nagsasagawa ng anti-carnapping operation ang elemento ng Highway Patrol Group (HPG) sa kahabaan ng Manila-Cavite Road, Barangay 8, Pulo 3, Cavite City.
Bandang ala-1 umano ng hapon noong Biyernes naganap ang insidente na ikinasawi ni HPG police chief Master Sergeant Julius Arcalas na tinangka pang dalhin sa Cavite Medical Center ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Sa isang banda ay napatay naman ang salarin na si Methusael Brown Cebrian, dismissed member umano ng Philippine Military Academy Class 2007, na siya umanong nakabaril kay Arcalas.
Sugatan din sina Captain Eduardo Joy Guadamor, Staff Sgt. Emerson Domingo, at ang street sweeper na si Eduardo Magbana na tinamaan ng ligaw na bala sa hita, na lahat ay kasalukuyang ginagamot.
Ang tsuper na si Raymond Zuniega na mabilis na tumakas matapos ang barilan ay agad namang nasakote ng HPG noong araw ng Linggo, ilang araw matapos ang walang humpay na pagtugis ng pulisya laban sa kanya.
Kaya natin napagtuunan ng pansin ang pangyayaring ito dahil nakita rito ang hirap ng kalagayan ng mga pulis — sala sa init, sala sa lamig.
Ang mga pobreng pulis na nagpakita ng maximum tolerance sa sitwasyon, sila pang nasisisi ng mga netizen ngayon dahil masyado raw relax.
Bakit daw hindi agad dinamba ng mga pulis ang mga nasa sasakyan dahil halata naman daw na mga kriminal ito dahil sa kawalan ng plaka at conduction sticker ng sasakyan.
May mga magagaling pang nagsasabi na hindi na raw dapat kinausap ang mga nasa loob ng sasakyan kundi agad daw sanang pinababa ng sasakyan, tinutukan at pinosasan.
Ang hirap lang, hindi ‘yan ang tamang procedure. ‘Pag ganyan ang ginawa ng mga pulis sa mga checkpoint, sasabihan naman silang barumbado, abusado, at karekla-reklamo pa sa Human Rights.
Kahit pa napansin na ng HPG team ang isang silver gray Nissan Terra na walang plaka at wala ring conduction sticker ay pinara ito, kinailangan pa rin nilang maging magalang at kausapin ang mga lulan nito. Dito pa nga kaswal na nagpakilala ang suspek na si Cebrian na kaanib ng Philippine Navy (PN), na may nakasabit pang uniporme sa loob ng sasakyan.
Ngunit dahil sa pagtugon nila sa tamang procedure at maximum tolerance na mahinahon nilang kinakausap ang mga salarin, hindi nila akalaing nakakuha na pala ng pagkakataon si Cebrian na makababa ng sasakyan bitbit ang kalibre 5.56 Bushmaster assault rifle — isang mahaba at modernong kalibre ng baril na agad ibinuga sa grupo ng HPG.
Nagtago ang mga kaanib ng HPG sa likod ng kanilang patrol car at dahil sa lakas ng armas ng salarin ay tinamaan ang tatlong kaanib ng HPG, kabilang ang nasawing si Arcalas na dahilan nang pagkakatakas ng isa pang suspek na si Zuniega.
Ngunit kahanga-hanga rin naman ang ipinakitang tapang ng kaanib ng HPG na kahit sugatan ay nagawa pa rin nilang makaganti ng putok at mapatay si Cebrian sa kabila nang naunahan na sila nitong magpaulan ng mga putok.
Kung hindi na sana nila pinairal ang pagsunod sa maximum tolerance ay posibleng walang nasugatan at walang nasawi sa panig ng HPG at baka naaresto nila ng buhay ang salarin at hindi na nagawang makababa ng sasakyan para mamaril. Ngunit ‘yan ba talaga ang gusto natin?
Mahabang debate ito, pero hindi na maibabalik pa ang buhay ng mahusay na pulis, dahil lamang kailangang maging magalang sa pakikipag-usap sa sinisita imbes na magpakita agad dapat ng tapang para hindi na makaporma ang sinisita.
Gayunman, saludo tayo kay Arcalas at sa kanyang mga kasamahan, kayo ay mga tunay na bayani.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments