Sagot sa pulitikang pangakong napako: Walang sawang pagmumulat sa lahat lalo na sa kabataan
- BULGAR

- Jan 3
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 3, 2026

Tuwing magbabagong taon, nasanay na tayong gumawa ng mga pangako na tinatawag nating “New Year’s wishes.” Madalas din nating marinig ang kasabihang: “Ang gaganda ng mga pangako, pero halos lahat ay napako.” Napakadaling mangako. Ginagawa ito ng lahat—mula bata hanggang matanda. Ngunit iilan lamang ang tunay na tumutupad. Bakit nga ba ganito ang marami sa atin?
Alam din ng lahat ang naging pangako ng Pangulo: may makakasuhan at makukulong bago mag-Pasko—hindi raw sila magkakaroon ng “merry, merry Christmas.” Mayroon ngang nakulong, ngunit hindi ang malalaking isda, hindi ang mga “big fish,” ika nga.
Puro mga dulong (Laguna Lake) at sinarapan (Danao Lake, Albay). Lumabas na ang mga pangalan ng mga senador at kongresistang sangkot sa mga “ghost flood control projects.” Kilala na natin sila, ngunit walang nangyari. Dumaan ang Pasko, papalapit na ang Bagong Taon, at malaya pa rin silang gumagalaw hanggang ngayon.
Sagot ng Palace Press Officer na si Claire Castro sa mga batikos: “Konting pasensiya pa po. Nagtatrabaho po kami at may unti-unti nang nangyayari. Naire-refer na po ang mga kaso sa Office of the Ombudsman.” Opo, magpapasensiya po tayo—sanay na sanay na naman ang mga mamamayan sa ganyan. At iyan nga po ang problema. Sobra-sobra ang pasensiya ng karamihan, kaya lalong tumitibay ang loob ng mga tiwali.
Sa darating na ika-25 ng Pebrero 2026, ipagdiriwang natin ang ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Isang napakalaki at napakahalagang pagdiriwang ito—at nararapat lamang. Ngunit nakalulungkot balikan ang mga nangyari sa ilalim ng pitong administrasyon mula kina Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, Noynoy Aquino, Rody Duterte, hanggang kay Bongbong Marcos.
Lahat ay nangako. Marami sa mga pangakong ito ang napako. At mas nakalulungkot, nasanay na ang marami na makinig sa mga pangako—at tuluyan na ring nasanay na tanggapin ang kabiguang dulot ng mga ito.
Oo, nasanay na tayo sa mga pangakong napako ng mga pulitiko at makapangyarihang opisyal ng ating bansa. Nasanay na tayo sa mga salitang walang dangal na nagmumula sa mga pagkataong wala ring dangal.
Ngunit panahon na upang labanan ang maling kasanayan at maling ugaling ito. Hindi dapat masanay at hindi dapat tanggapin ang mga pangakong napako ng mga pulitiko. Hindi dapat tanggapin ang pulitikang walang dangal, walang prinsipyo, at walang katiwa-tiwala. Lumalaban na ang marami, lalo na ang kabataan. Sa tingin ng marami, hindi na lalamig at hindi na huhupa ang galit—sapagkat ayaw nilang makita ang sarili nilang lulubog sa burak ng pangakong napako, ng salitang walang dangal, ng pagkataong walang lalim, walang kabuluhan, at walang laman.
Ano ang kabaligtaran ng pangakong napako? Buhay na marangal. Hindi na kailangang magsalita at mangako. Ang buhay na marangal ay hindi nasusukat sa salita kundi sa gawa at sa halimbawang nakikita.
Tapos na ang Pasko. Lumipas na rin ang huling araw ng taon at ang bisperas ng Bagong Taon. Nasaan na ang mga ipinangako nila? Sa panahong ito, mahirap at maselan nang mangako. Galit at gising na ang marami, lalo na ang kabataan. Mulat na ang sambayanan sa sukdulang kabulukan ng sistema ng pamamahala. Oo, maraming bulok na opisyal—ngunit kailangan nila ng sistemang susuporta at magtatanggol sa kanilang kabulukan. Kaya pala madaling magpayaman ang mga pulitiko. Kakampi nila ang sistemang nagdadala sa kanila sa rurok ng kayamanan, na siyang sukatan ng kanilang tagumpay. Pumasok sila sa pulitika hindi upang maglingkod, kundi upang magnakaw at magpayaman.
Kaya pala galit na ang marami. Sawa na. Ubos na ang pasensiya. Hindi na katanggap-tanggap ang mga pekeng pangako na karugtong ng pekeng paglilingkod. Hindi na kahanga-hanga ang kayamanan ng mga naglilingkod dahil malinaw na hindi nila ito kinita—kundi ninakaw. Huwag ninyong maliitin at bale-walain ang galit ng sambayanan. Hindi na ito bunga ng pang-uudyok ng mga sanay manlinlang. Mahirap linlangin ang mulat. Hindi na maaaring patulugin ang gising.
Apatnaput taon na ang EDSA People Power Revolution (Pebrero 1986–2026). Hindi maaaring nanghina o tuluyang namatay ang diwa ng EDSA. Sa halip, ito ay nahinog—at makikita natin ang bunga ng paglago at pagkahinog ng diwa at espiritung pilit nilang pinapatay. Hindi lamang Bagong Taon ang 2026; ito ang Taon ng Pag-asa at ng
Mapayapang Pag-aalsa. Dadami pa ang mulat, ang galit, at ang sawang maniwala at magtiwala sa mga sanay mangako o mahilig mamudmod ng regalo, manuhol, at magbahagi ng ayuda.
Hindi na ninyo kayang bilhin at lokohin ang sambayanang nakita at naramdaman ang matinding paghihirap ni Inang Bayan.




Comments