Sagabal na riles, inaalmahan ng mga motorista
- BULGAR

- Jan 24
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Jan. 24, 2025

Magugunitang noong isang taon ay inihinto muna ng Pambansang Daangbakal ng Pilipinas o Philippine National Railways (PNR) ang operasyon ng mga tren nito para bigyang daan ang konstruksyon ng North South Commuter Railway project.
Pansamantalang hindi na kailangang pangilagan ng mga motorista ang nahintong pagbaybay at pagtawid ng mga tren lalo na sa lansangan ng Metro Manila. Sarado rin ang mga gate ng mga istasyon ng PNR alinsunod sa nasabing tigil-operasyon.
Bagama’t hindi muna kailangang biglang huminto at magbigay-daan ang mga sasakyan sa paparating na rumaragasang tren ng PNR na tatawid sa landas ng mga behikulo, aba’y kailangan pa ring bumagal nang husto ang mga pampubliko at pribadong mga sasakyan dahil sa kapangitan ng pagkakakamada ng nakaumbok na riles ng tren na hindi man lamang inaspalto ng maayos para naman sana maging magaan at banayad ang pagtawid dito ng mga behikulo.
Isa ito sa kadahilanan bakit bumabagal ang trapiko sa araw-araw, malinaw pa sa sikat ng araw, kung saan kailangang pumreno ng mga sasakyan at usad-pagong talagang dumaan sa mapaghamong landas ng riles. Tsk.tsk.tsk.
Nakakaubos-pasensya hindi lamang ng ating mga motorista kundi pati ng ating mga pasahero na napagod na sa kakahintay ng masasakyan ay tila bolang tumatalbog pa sa tuwing dadaan ang kanilang sinasakyan sa mga nasabing riles.
Kaya’t diretso na ang panawagan natin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil tila walang malasakit ang mga dapat kumilos para solusyunan ito. Aba’y limang taon namang hinto ang operasyon ng tren.
Samantala, ang sinasapit ng mga motorista sa tuwing daraan sa riles ay maaaring ibsan. Aba’y aspalto lang ang katapat niyan! Laking maging pasasalamat sana ng taumbayang masakit na ang likod sa pagtitiis sa kalsadang hindi magawang kinisin sa paraang magiging kalugod-lugod.
Palibhasa, maganda ang shock o shock absorber ng sasakyan ng mga nasa kapangyarihan sa pamahalaan kaya hindi nila iniinda ang pagdaan sa mga bahaging ito, at de-tsuper silang naka-payroll din sa gobyerno na silang napapagod sa pagpreno at pagbagal sa puntong pagdaan sa riles. At sagot din ng gobyerno ang pagmintini at langis ng sasakyan. Kaya, ayun, mga kababayan.
Ngunit ang kaawa-awang ordinaryong manggagawang si Juan dela Cruz, na kailangang magpumilit na makabili ng sasakyan sa pamamagitan ng utang at lumarga sa kalsada araw-araw para makaalagwa, ay kailangang pa ring lalong mamroblema hindi lamang sa trapiko ngunit maging sa epekto sa kanilang sasakyan at kalusugan ng pag-indayog sa burog-burog na landas ng riles.
Kailan ito pagtutuunan at aayusin ng pamahalaan?
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments