Safe raw sa nanay-nanayan… RYAN BANG, UMAMING SI VICE ANG BUMAGO SA BUHAY NIYA

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 27, 2026

Photo: FB Circulated
Naranasan ng It’s Showtime (IS) host na si Ryan Bang kay Vice Ganda ang life with love.
Kasama ang Unkabogable Superstar sa itinuturing nito na tatlong tao na may malaking impact sa buhay niya.
“Blessing talaga sa ‘kin ang Showtime family at lalo na si Meme Vice. Nu’ng nakilala ko s’ya, na-experience ko ang life with love,” sabi ng Korean host-actor na Pinoy at heart sa panayam niya sa KC After Hours show ni Karmina Constantino sa YouTube (YT).
“Nanay ko talaga [s’ya]. Safe person, safe place. May kasabihan in our life na merong tatlong tao na importante na darating sa buhay mo. S’ya ‘yun, who changed my life,” sabi pa ng TV host-actor.
Ibinahagi rin ng 35-anyos na Kapamilya star na single siya ngayon at prayoridad muna niya ang sarili, trabaho, at negosyo.
“Nagpo-focus muna ako sa negosyo, at s’yempre, sa It’s Showtime at sa sarili ko,” sambit pa niya.
Ikinuwento rin niya ang pakiramdam kapag nasa noontime Kapamilya show kung saan naging regular host siya simula 2012.
“‘Pag nagpapasaya ako ng madlang people, it makes me happy,” ani Ryan.
Sey pa niya, “Gusto ko, komedyante ako. Natutuwa ako araw-araw ‘pag nakikita ko ang madlang people.”
Makisaya kay Ryan sa It’s Showtime, Lunes hanggang Sabado, 12 NN sa GMA-7, A2Z, ABS-CBN sa ALLTV, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live.
SUNUD-SUNOD pa rin ang natatanggap na magagandang regalo ni Representative Arjo Atayde ng 1st District of Quezon City mula sa kaarawan niya nitong Nobyembre 5 dahil pagkatapos ng kaliwa’t kanang papuri sa karakter niya sa pelikulang Moonglow, heto at binigyan siya ng trust rating na 68% sa isinagawang survey para sa 20th Congress.
Ayon sa Filipino Pulse Insights, “Batay sa isinagawang survey, nakakuha si Quezon City 1st District Rep. Arjo Atayde ng 68% trust rating, na nagpapakita ng antas ng tiwala ng mga respondent sa kanyang serbisyo at pamumuno.
“Kasama sa mga proyektong nakatala ang rehabilitasyon ng multi-purpose buildings, road improvements, drainage systems, at iba pang community development initiatives sa Quezon City.”
Sa legislative record naman, kabilang ang mga panukalang may kaugnayan sa educational subsidy, voucher system para sa kuwalipikadong estudyante, at 2026 General Appropriations Act na naitala bilang enacted laws.
Nakapag-file si Cong. Arjo ng 71 bills at 27 ang pumasok sa Kamara (38.0%), 3 naisabatas na (4.2%) at 41 ang pending (57.8%).
Nang huli naming makausap si Cong. Arjo sa Moonglow screening ay puro tungkol sa pelikula lang ang isinasagot niya o dahil wala rin kasing nagtanong tungkol sa pulitika bilang respeto, lalo’t ang ganda ng ngiti ng aktor-pulitiko sa mga papuri sa kanya.
Pero hindi naman niya itinanggi na ang pag-aartista pa rin ang gusto niya dahil ito ang bread and butter niya at kailangang tumanggap pa rin ng pelikula kung kakayanin ng schedules niya, dahil sa kasalukuyan ay pinagbubuti rin niya ang pagsisilbi sa kanyang mga nasasakupan sa Distrito Uno.
Marami rin kaming nababalitaan na maraming natulungan si Arjo na ayaw daw ipaalam nito at sa kahit anong tanong din ay hindi nito sinasagot.
Pero bagama’t positibong indikasyon ang trust rating, mahalagang tandaan na ‘di ito awtomatikong katumbas ng voting preference o electoral support. Patuloy na mahalaga ang pagsusuri sa aktuwal na serbisyo, proyekto, at pananaw ng mga mamamayan.
MAS maaga nang mapapanood ang The Loyalty Game: Level Up ng ABS-CBN sa 8:45 PM simula Nobyembre 30. Sakto sa pag-init ng kuwento, mukhang malapit nang mabunyag ang mga sikretong itinatago ni Ben (Jericho Rosales) sa asawa niyang si Ana (Janine Gutierrez).
Lalong naghihinala si Ana sa mga kilos ni Ben. Sa paghahanap niya ng sagot, baka matuklasan na rin niya ang sikreto tungkol sa kapatid nitong si Regina (Charlie Dizon). Habang gumagawa ng paraan si Ben para pigilan si Ana, hindi rin siya tinatantanan ni Beth (Sofia Andres).
Samantala, patuloy na hinahanap ng mga loyalty tester si Angel (Kira Balinger) matapos itong biglang mawala. Habang papalapit si Ana sa katotohanan, hanggang saan ang kayang gawin ni Ben para hindi mabunyag ang mga sikreto niya?
Abangan ang The Loyalty Game: Level Up tuwing gabi, 8:45 PM simula Nobyembre 30, sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live sa Facebook (FB) at YouTube (YT). Puwede ring mapanood ang mga episode nang pitong araw na mas maaga sa iWant.





Comments