ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 17, 2025

Photo: @juancarloscuenca & @andersongeraldjr
Mag-best friend sina Jake Cuenca at Gerald Anderson na nagsimula sa seryeng Tayong Dalawa (TD) na ipinalabas nu’ng 2009 kasama si Kim Chiu. Kahit parehong busy ang dalawang aktor, hindi nawala ang kanilang komunikasyon para kumustahin ang isa’t isa, kasama ang iba pa nilang mga kaibigan.
Kaya nang makapanayam namin si Jake pagkatapos ng mediacon ng bago niyang seryeng What Lies Beneath (WLB) na mapapanood na sa October 17 (Biyernes) sa Netflix, October 18 (Sabado) sa iWantTFC, at October 20 (Lunes) sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at TV5 ay nagulat siya nang hingan ng reaksiyon ni Ateng Janiz Navida sa nalalapit na pagpapakasal nina Gerald at Julia Barretto.
“Wow! Really? Oh, my God, ngayon ko lang nalaman ‘yan. Totoo ba? Are you 110% sure? O tsismis pa lang ito?” gulat na tanong ni Jake.
Nang banggitin namin na ibinalita ito ni ‘Nay Cristy Fermin sa Showbiz Now Na (SNN) vlog nila nina Wendell Alvarez at Romel Chika, at sabi nga ni Ateng Janiz ay may balitang bumili na ng singsing ang aktor para sa GF, ani Jake, “Wait, I have to hear this from Gerald himself. Best friend ko naman ‘yung tao. Sandali lang, hindi ako ‘yung bestman? Hahaha!” tumatawang sagot ng aktor.
Dagdag pa niya, “Magmo-motor kami, so I will find out and I will update you guys.”
May time pa bang mag-motor si Jake sa kaliwa’t kanang taping?
“Actually, wala. Pero for Gerald, for this tsismis, I have to find out! Hahaha! Magmo-motor ako para sa kanya,” masayang sabi ng aktor.
Nabanggit pa ni Jake na basta para kay Gerald, open ang schedule niya. Kung kunin man daw siyang ring bearer, ayos lang kahit hindi siya ang bestman.
Ang huling ride nina Jake at Gerald ay noong nagkaroon sila ng show sa Dagupan at motor ang ginamit nilang transportation mula Manila hanggang Dagupan.
“Pero ang pinaka-latest ride ko... (iniisip pa niya). ‘Pag may project kasi ako, I don’t ride kasi nga isang aksidente, bulilyaso buong schedule mo. Action pa ito and suspense pa ‘to (What Lies Beneath), I need to move. Hindi ako nakaupo, pero I try to keep it to a minimum. So ‘yung last time I ride, nag-ride kami ni Direk Lester (Pimentel-Ong) of Incognito, nag-Alabang lang kami,” kuwento ni Jake.
Sa huling tsikahan daw nina Jake at Ge ay marami silang napagkuwentuhan, pero tiyak ngayon ay mas marami silang updates sa isa’t isa dahil sa mga pagbabago sa buhay nila.
In fairness, kitang-kita ang tuwa ni Jake sa balitang ikakasal na ang best friend niya, kaya natanong ng press kung close siya kay Julia.
“Kay Julia? Yeah, we’re good. Okay kami ni Julia. Ako, ever since, I’ve always been rooting for them. At kahit sa gitna ng mga naririnig natin, I pray for them kasi bagay talaga sila sa isa’t isa,” nakangiting sabi ng aktor.
Ano ang naging reaksiyon niya noong balitang nag-break sina Gerald at Julia?
“Yeah, I’ve heard some stuff, but I don’t want to go into details. Hahaha! ‘Wag naman sa akin manggaling,” natawang sagot ni Jake.
At kahit ano’ng pilit na sinabing nagkabalikan na ang dalawa, mas gusto pa ring marinig ni Jake mismo mula kay Gerald ang kumpirmasyon.
Aminado si Jake na sobrang mahal niya ang kaibigan.
Aniya, “Si Ge, I love him. Kasi when I was going through my thing, isa sa mga unang nag-text sa akin si Ge at saka si Paulo Avelino. So I love those two. Kahit hindi mo hingin, they are there. Kaya for me, with them, kahit anong problema, I’m biased towards those two.”
At dahil nabanggit na okey siya kay Julia, tinanong namin kung lahat din ba ng ex-girlfriends niya ay naging katsika o close nina Gerald at Paulo. Medyo natigilan si Jake.
Sey niya, “Hmm… Actually, parang hindi. I don’t think they’re friends with… Well, nakatrabaho ni Paulo some of them.”
Ang tinutukoy niya ay sina Kylie Verzosa (Elevator – 2024), Lovi Poe (Aswang – 2011, Sana Dati – 2013, The Bride and the Lover – 2013, Flower of Evil – 2022), Bea Alonzo (Kasal – 2018, Sana Bukas Pa Ang Kahapon – 2014).
Sabi pa ni Jake, “Kung iisipin mo sa utak mo, pero I wouldn’t really say na tsika-tsika kami. Hindi kami ganu’n, eh. There’s never been a scenario na lumabas kami na ako ‘yung third wheel o s’ya ang third wheel sa akin, kasi work-work kami.”
Kinlaro rin ni Jake na hindi niya naging close ang ibang exes ni Gerald, maliban kay Julia dahil nagsimula raw ang aktres sa seryeng Palos (2008) na pinagbidahan ni Jake.
“Si Julia kasi, sa Palos nagsimula. Si Kim (Chiu), we did Secretary Kim (2024),” kaswal na sabi niya.
Kaya tinanong kung close rin siya kay Kim.
“Guys, I don’t talk about my friends’ ex-girlfriends (tawanan ang lahat). It’s not a very manly thing to do. Hindi nakakalalaki. Hahaha!” tumawang sabi ng aktor.
Dagdag pa niya, “Pero alam n’yo kung ano ang nakakalalaki? Manood ng (FPJ’s) Batang Quiapo at WBL.”
Ang saya-saya ng tsikahan namin kay Jake dahil walang ka-showbiz-an.
Nang isa-isa na kaming nagpaalam, bumulong siya ng “Thank you for always being there for me.”
Samantala, ang gist ng WLB ay iikot sa kuwento nina Alice (Janella Salvador), Mel (Sue Ramirez), Erica (Kaila Estrada), at Beth (Charlie Dizon), apat na babaeng nabago ang buhay dahil sa isang kasinungalingan at desisyong ginawa nila sa nakaraan.
Ngayong unti-unting lumalabas ang katotohanan, panoorin kung paano nito susubukin ang tiwala sa isa’t isa at ang pagsasamahan na kanilang nabuo.
Sa media launch, ibinahagi nina creative producer Arah Badayos at head writer Benson Logronio kung paano tinatalakay ng serye ang masalimuot na konsepto ng injustice.
“Makikita sa trailer na may nagawang injustice,” ani Arah.
Paliwanag niya, “Pero ipapakita rin na hindi ito basta-basta, ‘yung mga taong gumawa ng injustice ay biktima rin ng injustice sa sarili nilang paraan.”
Ibinahagi naman nina Janella, Sue, Kaila at Charlie ang mga hamon sa pagganap sa kanilang mga karakter na kinakailangang maging matatag sa gitna ng takot at mga lihim na patuloy na bumabalik para sila'y singilin.
Kasama rin sa cast ng What Lies Beneath (WLB) sina Jake Cuenca at JM de Guzman, na lubos ang pasasalamat sa pagkakataong gumanap ng mga karakter na malayo sa mga dati nilang proyekto.
Makakasama rin sa serye sina Yves Flores, Race Matias at Jameson Blake, sa direksiyon nina Froy Allan Leonardo at Dado Lumibao.