Oks lang sa GF basta happy sila… ECHO, WALA PANG PLANONG PAKASALAN SI JANINE

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | November 27, 2026

Photo: IG _jerichorosalesofficial
Dahil sa kanilang sobrang closeness, marami ang nagsasabing sa pagpapakasal na mauuwi ang relasyon nina Janine Gutierrez at Jericho Rosales.
At pabor man si Lotlot de Leon sakaling yayain na ni Echo si Janine na magpakasal, ayon mismo sa kanyang anak, hindi raw prayoridad ng aktor ang pagpapakasal.
Well, marami pa raw itong planong gawin sa kanyang career at personal na buhay, at maging si Janine ay hindi nagmamadali.
Walang pressure sa kanyang parte at ayaw niyang ma-stress at ma-pressure sa mga fans na nagpapayo na magpakasal na sila.
Hindi ito kasama sa kanilang plano sa 2027 dahil pareho sila ni Echo na magiging abala sa kanilang career.
Ang importante, masaya sila sa estado ng kanilang relasyon. Lalo itong tumitibay habang nagtatagal.
RAYVER AT JULIE ANNE, PAREHONG DUMAAN SA IBA BAGO NATAGPUAN ANG ISA'T ISA
FINALLY ay natagpuan na ni Julie Anne San Jose ang kanyang “the one” kay Rayver Cruz.
Naging makulay din ang love life ni Julie Anne bago pa dumating sa buhay niya si Rayver.
Una siyang na-link sa dati niyang ka-love team na si Elmo Magalona.
Nagkaroon din sila ng mutual understanding noon ni Alden Richards pero naudlot dahil career ang naging priority ng aktor.
Naging karelasyon din ng singer-aktres si Benjamin Alves. Dalawang taong tumagal ang kanilang pagiging magdyowa bago dumating si Rayver sa kanyang buhay.
Si Rayver naman, unang na-link kay Shaina Magdayao pero hindi nauwi sa relasyon. Love team lang sila.
Una niyang showbiz GF si Sarah Geronimo pero hindi sila naging open sa kanilang relasyon.
Sumunod na naging GF niya ay si Cristine Reyes, na hindi rin nagtagal.
Naging maingay naman ang relasyon nina Rayver at Janine. Akala ng kanilang mga fans ay sila ang magkakatuluyan pero naghiwalay din.
Nang lumipat sa GMA Network si Rayver, nagkasama sila ni Julie Anne sa ilang projects. Naging partner sila sa mga production numbers sa All-Out Sundays.
Sinikap ng singer na huwag gaanong mapalapit kay Rayver dahil alam niyang GF pa nito si Janine. Ayaw niyang maakusahan na ‘mang-aagaw’.
Pero sadyang sila ay nakatakda para sa isa’t isa, kaya pinaglapit sila ng tadhana.
Handang-handa na si Rayver na magpakasal at bumuo ng sariling pamilya, at ganoon din naman si Julie Anne.
Kahit nami-miss pa rin ang ex-mister…
RUFFA, WALA NANG BALAK BALIKAN SI YILMAZ
DALAWANG dekada nang hiwalay si Ruffa Gutierrez kay Yılmaz Bektaş na ama ng dalawa niyang anak na sina Venice at Lorin. Pero hindi raw niya maiwasang minsan ay maiyak sa tuwing maaalala ang kanyang ex-husband.
Nalulungkot siya, lalo na kapag Pasko at mga importanteng okasyon.
Ganunpaman, naging magkaibigan pa rin naman sila. Hindi ipinagkakait ni Ruffa kay Yilmaz na makita at makasama nito ang mga anak nila. Kailangan ng kanyang mga anak ang father figure, lalo nu'ng nagdadalaga ang mga ito.
Open naman ang imbitasyon ni Yilmaz kay Ruffa na magbakasyon sa Turkey. Pero masaya na ang aktres-beauty queen sa setup nila ngayon. Wala siyang plano na makipagbalikan sa dating mister.
Tahimik na ang kanyang buhay ngayon. May career at kapiling niya ang kanyang mga magulang, kapatid at dalawang anak.
Well, wala raw sa agenda ni Ruffa ang magpakasal o makipag-live-in. Kung may love life man siya, gusto niya na may kalayaan at hindi matali sa obligasyon.
Hindi siya istriktang mom. Ginagabayan at pinapayuhan niya sina Venice at Lorin sa pagpili ng lalaking mamahalin.
Kaya pala pinangangaralan siya…
DINA, NANAY SI DANICA SA PAST LIFE
NAG-UNDERGO pala ng regression ang aktres na si Dina Bonnevie sa tulong ng kilalang parapsychologist na si Jaime Licauco. Dito nga na-trace ang root o origin ng kanyang pamilya.
Sa kanyang past life ay naninirahan daw sa Switzerland si Dina. In real life, ay isang Swiss national ang kanyang mom.
Sa nasabi ring regression, lumabas na sa past life ng aktres ay si Danica Sotto ang kanyang ina. Kaya ngayon, naiintindihan ni Dina kung bakit may mga pagkakataon na pinangangaralan siya ng anak, tulad ng ginagawa sa kanya noon ng kanyang mom.
Nakikita niya kay Danica ang ugali ng kanyang ina.
Malawak at malalim ang pananaw sa buhay ni Dina. Matalino at wide reader siya, at matalas ang kanyang instinct.
Intimidated sa kanya ang ibang artista dahil malakas ang kanyang personalidad.
Maraming pagsubok na pinagdaanan si Dina pero nanatili siyang matatag at palaban. Sa kanyang mga anak na sina Danica at Oyo siya humuhugot ng lakas.





Comments