top of page

Sa sabsaban isinilang ang tunay na kapangyarihan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 28, 2025
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 28, 2025



Fr. Robert Reyes


Katatapos lamang ng pagdiriwang ng Pasko. Kay bilis ng apat na buwang nagdaan—mula Setyembre hanggang ngayon. Ito ang Paskong Pinoy: apat na buwang pag-awit ng mga awiting pamasko, apat na buwang paghihintay sa pagdating ng Sanggol sa Belen.


Sino nga ba ang Sanggol na ito? Alam ng lahat ang Kanyang pangalan. Alam ng lahat kung bakit Siya mahalaga—napakahalaga. Siya ang Anak ng Diyos, ang ipinangako, ipinadala, at dumating na Manunubos. Hindi lamang Siya basta dumating. Inihanda ang


Kanyang pagdating ng maraming propeta, daan-daang taon bago Siya isinilang, sa malinaw at tiyak na pagpapahayag tungkol sa Manunubos ng lahat.


Ngunit hindi Siya dumating bilang isang makapangyarihang hari. Hindi Siya dumating sakay ng maringal na karwahe na may kasamang libu-libong mandirigma. Totoo, Hari Siya—tinawag nating Hari ng mga Hari noong huling linggo ng Karaniwang Panahon sa Pista ni Kristong Hari—ngunit hindi Siya haring dumating upang paglingkuran. Siya ay Haring Lingkod: Haring kaisa ng mga dukha at maliliit, ng mga karaniwang nililimot at inaapi ng lipunan.


Ito ang dahilan kung bakit pinili ng Ama na isilang Siya bilang tao sa pamamagitan ng isang mahirap ngunit banal na babaeng Hudyo. Pinili ng Diyos si Maria—isinilang na malinis, walang bahid ng kasalanan—upang dalhin sa sinapupunan ang Kanyang Anak sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Pinili rin Niya si Jose, isang mabuti at banal na lalaki, upang maging Kanyang ama sa lupa. Isang pamilyang dukha ngunit may dangal, hinubog ng likas na kabutihan at halimbawa ng mapagmahal na mga magulang.


Ito ang Sanggol sa Belen: karaniwan ngunit dakila, mahina ngunit puspos ng kapangyarihan ng Diyos. Hindi pa kilala, ngunit hinanap ng marurunong—ang Tatlong Pantas—at pinaghinalaan ng makapangyarihan—si Herodes. Sa halip na ipagsabi kung saan Siya isisilang, naghanap pa sina Jose at Maria ng matutuluyan sa loob ng maraming araw, kung saan maisisilang nang maayos ang Sanggol. Sa huli, wala nang ibang lugar kundi ang hamak na Belen.


Malinaw ang kahulugan nito. Pinili ng Diyos hindi lamang ang isang karaniwang lugar kundi ang pinakamahirap na lugar bilang duyan ng Kanyang Anak. Doon, sa isang sabsaban, sa higaan ng dayami, pinaligiran ng mga hayop, Siya ay isinilang. Ang mga unang sumaksi ay mga karaniwang pastol, habang ang mga anghel ay nagpuri at umawit: “Gloria in Excelsis Deo!”


Sa loob lamang ng ilang linggo, isa na namang pagdiriwang ang magaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Muling papupurihan ang Banal na Sanggol—ang Santo Niño—sa Cebu, Bacolod, Kalibo, Tondo, at sa lahat ng parokya sa buong bansa. Bakit ganu’n na lamang ang pagpapahalaga natin sa Sanggol? Ano nga ba ang magagawa ng isang sanggol? Hindi ba’t sanggol lamang Siya?


At dito matatagpuan ang mahalagang paalala ng Diyos sa lahat: kayo ay sanggol at mananatiling sanggol, sapagkat kayo ay tao lamang. Nilikha ko kayo sa Aking larawan. Ibinahagi Ko sa inyo ang karunungan, kakayahan, galing, lakas, at buhay. Ngunit may hangganan ang inyong pananatili sa daigdig. Huwag ninyong kalilimutan na kailangan ninyo Ako. Kapag nakalimutan ninyo ito, matutukso kayong sambahin ang ibang diyos—hanggang sa sambahin ninyo ang inyong mga sarili.


Dito nagsisimula ang sari-saring suliranin: kahirapan, kasakiman, at digmaan. Iiral ang pagsamba sa kapangyarihan. Mag-aagawan sa yaman at ari-arian, at ang lahat ng ito’y mauuwi sa karahasan at giyera.


Bakit? Dahil nakalimutan ninyong kayo’y sanggol—mga anak Ko lamang. Ito ang isa sa pinakamahalagang mensahe ng Sanggol sa Belen. Ibinigay Ko sa inyo ang Aking Anak upang ipaalala sa inyo ang pagiging mapagkumbaba at magalang sa isa’t isa. Ganyan ang bata: walang kayabangan, walang kabastusan, walang pananamantala. Sa kanyang mura at malinis na pagkatao, bukás ang kanyang buong sarili sa tunay na liwanag—sa tunay na bukal ng lahat.


Marami na ang nakalimot na sila’y minsang naging, at nananatiling, mga sanggol—mga anak ng Diyos. Marami na ang sumamba sa salapi at kapangyarihan. Ginagamit ng ilan ang kanilang posisyon upang pagharian ang kapwa. Mahigpit nilang hinahawakan ang mga bagay na lumilipas at kumukupas—kayamanan, ari-arian, at kapangyarihan—habang nakakalimutan nilang hawakan ang kamay ng Amang lumikha at nagbigay-buhay sa kanila.


Ito ang mga taong naging sanggol ng ibang diyos; mga taong nakalimot sa Sanggol sa Belen; mga taong nakalimot na sanggol tayo—anak tayo ng Diyos, ngayon at magpakailanman.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page