top of page
Search
BULGAR

Sa pagiging mabait, ‘wag maghanap ng kapalit

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Nov. 13, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Ang araw na ito ay itinakdang World Kindness Day. Sinimulan ito noong 1998 ng mga NGO na bumubuo ng World Kindness Movement at naging laganap sa maraming mga bansa, sa paglalayong makapagpalaganap ng kabaitan sa sangkatauhan — kahit anong lahi, kasarian, relihiyon o kinalalagyan sa mundo.


Alam ninuman na ang kabaitan ay anumang pagmamalasakit, pagiging maalalahanin at pakikiramay — sa kadugo man o hindi, at maging sa sarili. 


Ang kabaitan ay makapagpapagaan ng araw, makapagpapabuti ng kalagayan, at maaaring makapagsalba pa ng buhay ng lubos na nanlulumo at nauubusan ng pag-asa.


Maraming paraan upang maipamalas ang kabaitan. Ang simpleng bigayan sa daan at lansangan, pagpipigil na makasakit ng damdamin o katawan, pagsuporta sa nangangailangan kung makakatulong naman kahit papaano, at kahit pakikinig lang sa may hinaing o sama ng loob ay munti ngunit mahahalagang halimbawa ng kabaitan.


Sinasaklawan din nito ang kabaitan sa sarili. Kung hindi mo nga naman bibigyan ng bukal na kabutihang-asal ang nakikita mo sa harap ng salamin, paano ka makapaghahandog ng magandang asal sa iba?


’Yun nga lang, kahit madaling makaisip o magpakita ng kabaitan, hindi ito nagagawa ng lahat. Bakit nga ba? Marahil dala ng lungkot o poot sa gitna ng mga kamalasan o salimuot sa pamilya at saan man, na nakapapadilim ng paningin at maaari pang makapagpaisip ng paghihiganti sa kapalaran at sa inosenteng walang kamalay-malay.


Maaaring dala rin ng kapaguran sa pakikipagsapalaran, na tila nakauubos na anumang pondo ng malasakit o kalinga. Baka dala rin ng gutom o kagipitan, na tanging pagsasalba ng iba o ng pamahalaan ang makakasolusyon.


Ngunit, habang patuloy ang pagsikat ng araw, patuloy ang pagkakaroon ng mga pagkakataong tayo’y maging daluyan ng kabaitan. Kung tila nagsisikip ang dibdib, huminga nang malalim, uminom ng tubig, pumreno sa tulin ng takbo ng diwa’t isipan.


Asahan na makalipas ang ilang saglit ay magkakaganang ngitian ang makakasalubong, magiging mahinahon sa pananalita, mapagbubuksan ng pintuan ng gusali ang papasok o lalabas na nangangailangan ng pag-alalay, matutulungan ang may kapansanan sa pagsakay o pagbaba mula sa pampublikong sasakyan, maging mapagpasalamat at alisto sa pagiging makatao sa pamumuhay at serbisyo. At kung mahuhugot natin ito mula sa ating kaibuturan at maipamamalas sa madla, posibleng tayo’y “makahawa” ng iba, upang sila man ay maging daan sa pagpapalaganap ng kagandahang-asal. 


Kulang sa kabaitang natatamasa mula sa iba? Tiyaga lang. Unahan sila at hindi maglalaon ay may mag-aalay din sa iyo ng kabutihang-asal. 


Marahil ay madalas pa na, sa ating pagmalasakit at pagsasakripisyo, nararanasan natin ang kasaklapang tila hindi tayo napapansin ng nakikinabang sa ating kabaitan.

Kapit na lang. Sa pagiging mabait, huwag maghanap ng kapalit, lalo na kung ang pagkakalooban ng kabaitan ay ’di sinasadyang walang kakayanang suklian ang ating kawanggawa. Isaisip din na may mga benepisyo sa atin ang pagmamagandang-asal sa iba, dala ng maaaring magawa nitong pagpapasaya ng ating kalooban, pagpapalusog ng puso, pagpapatibay ng pangangatawan, pagpapatatag ng kalooban kahit sugatan, at pagpapahaba ng ating buhay. Nakabubuti rin ang kabaitan dala ng pakikipagbuklod natin sa iba, na makapagpapalawig ng ating mga ugnayan at makapagtataboy ng lumbay.


Ang anumang kabaitan — at pagwaksi ng pagiging makasarili — na maibahagi natin sa iba ay babalik at babalik sa atin, sa matagal man o lalong madaling panahon, at baka pa nga kung kailan kakailanganin natin ito dala ng hindi inaasahang kagipitan. Marahil ay mas nanaisin natin na kagandahan at liwanag ang maibalik sa atin ng tadhana sa halip na kasamaan at kadiliman. Ang ating kabaitan ay posible ring maging daan para sa tagumpay ng iba kung saan tayo ay naging kabahagi. Baka nga hindi natin aakalain na ang ating paghahandugan ng kabaitan ay nasa dulo na ng kanyang pisi at, dahil sa atin, maisasalba ang kanyang pananatili sa mundo.


Kung ating aasintaduhing maging mabuti sa araw-araw sa iba’t ibang paraan, at hindi iisipin ang sarili lamang, giginhawa ang lipunan, aaliwalas ang mundo, magiging sapat ang likas-yaman para sa lahat, at mapupuno tayo ng pag-asa’t pananabik para sa maningning na kinabukasan at tuluy-tuloy na daloy ng panahon.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page