Sa lahat ng Sexbomb… ROCHELLE, DANCER NA, BEST SUPPORTING ACTRESS PA
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 9, 2026

Photo: IG _rochellepangilinan
Hindi lang ang galing niya sa pagsasayaw ang napatunayan ni Rochelle Pangilinan. Humahakot na rin siya ng acting awards.
Sa katatapos na 9th The Eddys, nanalo si Rochelle bilang Best Supporting Actress para sa pelikulang Child No. 82: Anak ni Boy Kana (CN82ANBK). Kinarir niya nang husto ang kanyang role kaya napansin ng mga movie critics.
Malaking bentahe kay Rochelle na nahasa siya nang husto sa pag-arte noong lumalabas ang Sexbomb Girls sa seryeng Daisy Siete (DS). Ang manager nila na si Joy Cancio ang producer ng nasabing serye.
Bukod sa pagsasayaw, natutong umarte ang mga Sexbomb Girls pero si Rochelle ang talagang nagseryoso, kaya nabibigyan siya ng mga TV at movie projects.
Kung tatanungin ngayon ang aktres-dancer kung ano ang kanyang pipiliin, ang kasikatan ng grupong Sexbomb o ang kanyang acting career, siguro, parehong mahalaga kay Rochelle dahil ang pagsasayaw ay passion niya at ibang fulfillment ang kanyang nakukuha kapag nakatatanggap siya ng acting award.
Best of both worlds, sabi nga. Kaya marami siyang dapat ipagpasalamat.
MAGAGANDA ang naunang line-up ng apat na pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2026. Malalaking pelikula at mga sikat na artista ang nasa cast kaya tiyak na magiging exciting ang labanan sa takilya.
Bongga ang The Greatest Showdown (TGS) nina Bossing Vic Sotto at Vice Ganda. Horror movie naman ang panlaban ng Regal Entertainment, ang Haunted Carnival (HC). Malalaking artista rin ang nasa cast sa pangunguna nina Maricel Soriano, kasama sina Julia Barretto, James Reid, Fyang Smith, John Arcilla, RK Bagatsing, at Ronnie Alonte.
Magsasalpukan naman sa galing umarte sina Aga Muhlach (2nd Miracle in Cell No. 7) at Dennis Trillo (Amir).
Tiyak na aabangan ang kani-kanilang pagganap sa kanilang mga pelikula.
Ngayon pa lang ay excited na ang lahat sa darating na MMFF 2026. May apat pang pelikula ang hahabol na mapasama sa filmfest.
At may magandang balita para sa moviegoers. Ang maximum ticket price sa MMFF 2026 ay P299 sa NCR at maaari pang bumaba, lalo na sa mga probinsiya.
Ito ang napagkasunduan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP).
LUBOS ang pasasalamat ni Edgar Mortiz nang tumanggap siya ng Movie Icon Award mula sa 9th The Eddys ng SPEEd.
Sa loob daw ng limang dekada niyang pagiging bahagi ng showbiz ay ngayon lang siya nakatanggap ng ganitong pagkilala para sa kanyang naging ambag sa industriya ng pelikula.
Naunang nakilala si Edgar bilang singer bago nabuo ang tambalan nila ng Star for All Seasons na si Vilma Santos.
Sumikat nang husto ang Vi & Bot love team, na naging katapat ng Guy & Pip tandem. Marami silang pinagtambalang pelikula na naging box office hits.
Nang matapos ang kompetisyon ng Vilma-Edgar at Guy-Pip love teams, nag-solo na sina Vilma at Nora at gumawa ng seryosong pelikula.
Si Edgar ay umiba ng landas at nagdirek sa telebisyon.
Ganunpaman, nanatiling loyal ang mga fans nila ni Vilma at nanatili rin ang friendship nila.
At this point of Edgar’s life, hindi pa napapanahon ang kanyang pagreretiro sa showbiz. Marami pa siyang maiaambag sa TV industry, at ang natanggap niyang Movie Icon Award mula sa The Eddys ay magsisilbing inspirasyon niya para sa mga bagong hamon sa kanyang career.





Comments