top of page
SHEET - PARUSA SA IRESPONSABLENG GUN OWNER, MAS BIGATAN – CONG. JAVI_IG _javibenitezzz.jpe

Sa kamatayan ni Ninoy, isinilang ang milyong bayani

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 22, 2026



Fr. Robert Reyes


Time-out muna tayo kay Alex Eala. Gayunpaman, maraming-maraming salamat sa Kabayanihan, Alex! Pasok po, Ninoy!


Opo, apatnapu’t tatlong taon nang patay ang pambansang bayaning si Ninoy Aquino. Malinaw na malinaw pa sa atin ang mga pangyayari. Naghahanda na tayong umalis noon patungong Roma upang ipagpatuloy ang pag-aaral bilang pari. May ilang linggo pa bago ang nakatakdang paglipad natin sa mga unang araw ng Setyembre 1983.


Bago naganap ang pagpaslang kay Ninoy, naaalala pa natin ang bigat ng damdaming dala-dala natin. Hindi tayo gaanong masayang umalis upang mag-aral sa ibang bansa. Labing-isang taon na mula nang ideklara ang Martial Law. Sa panahong iyon, walang-sawa tayong nag-aral, nagsuri, nagdasal at kumilos laban sa katiwalian at mga kalabisan ng rehimeng Ferdinand E. Marcos Sr.


Naging aktibong bahagi tayo ng oposisyon sa pagsusulong ng mapayapang pagbabago na hahantong sa EDSA People Power Revolution makalipas ang tatlong taon. “Bakit ko kailangang lisanin ang bansa sa panahong kailangang-kailangan ng lahat na kumilos para lumaya mula sa marahas at gahamang administrasyon?” Ganito ang damdaming naghahari sa ating isip, puso at diwa noon.

At nangyari pa ang pagpaslang kay Ninoy.


Buhay na buhay sa atin ang mga pangyayari noong umaga ng Agosto 21, 1983. Kung ang pagdedeklara ng Martial Law noong Setyembre 21, 1972 ay nagdulot ng kakaibang katahimikang balot ng takot, ang pagpaslang kay Ninoy ay nagpaalab naman ng matapang at nagkakaisang galit sa dibdib ng sambayanan.


Naging mitsa ang kanyang pagkamatay sa panibagong damdamin at kamalayan ng mga Pilipino. Nawala ang isang Ninoy, ngunit tila isinilang ang milyon-milyong Ninoy sa araw na iyon. Yumakap ang tapang at kaliwanagan sa mga mamamayang dati’y nababalot ng takot.


Kitang-kita ito sa mahabang pila ng mga nakiramay sa kanyang burol sa Santo Domingo Church. Milyon-milyon din ang nakasaksi sa telebisyon sa prusisyon ng kanyang libing mula Santo Domingo sa Quezon City hanggang Manila Memorial Park sa Parañaque. Nakasama tayo sa prusisyon mula Santo Domingo hanggang Makati bago kinailangang bumalik sa Parish of the Holy Sacrifice sa UP Diliman upang ipagpatuloy ang paghahanda sa nalalapit nating pag-alis patungong Roma.


Nailibing si Ninoy. Natapos ang kanyang dakilang misyon para sa Diyos at bayan. Ngunit hindi na tahimik, hindi na takot at hindi na watak-watak ang mga Pilipino.

Totoo ang sinabi sa Ebanghelyo: “Maliban mahulog sa lupa at mamatay ang binhi, hindi ito mabubuhay.” (Juan 12:24)


Umuwi si Ninoy na mulat sa banta sa kanyang buhay. Hindi niya pinakinggan ang mga payo ng mga kaibigan at kamag-anak na nagmamalasakit sa kanya. Pinakinggan niya ang mas mataas at makapangyarihang tinig ng Lumikha na humirang sa kanya upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay para sa bansa at mga kababayan.


Kakaibang baha ang namalas natin noong mga araw na iyon. Bumaha ng luha, tapang, sigla at pagmamahal sa bayan ang mga mamamayang matagal na tinakot, ginamit at pinagsamantalahan.


Ganitong luha, katapangan at pagmamahal ang kailangan natin ngayon—hindi ang baha mula sa pagnanakaw ng bilyun-bilyong salapi ng mga traydor at tiwaling opisyal ng pamahalaan.


Hindi rin natin kailangan ang nakalulungkot na karahasang kumitil sa buhay ng mga batang mag-aaral sa Tacloban at Zamboanga noong Hunyo at Agosto ng taong ito. Tinatawag ng ilan na nihilistic violent extremism o NVE ang ganitong uri ng karahasang kumakalat sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa halip na bumuhay, pumapatay ito at nag-uudyok sa mga magkakababayan na magpatayan.


Sinimulan ito ni Ferdinand Marcos noong 1972 at pinalala ni Duterte noong 2016. Buhay na buhay pa rin ang diwa ng karahasang pumapatay sa mga mamamayan—mula sa matatanda hanggang sa mga batang dapat ay likas na musmos at inosente.

Nasa gitna na rin tayo ng impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte. Napakalaking oras at pondo na ang ginugol sa mga nagdaang araw. Kitang-kita kung paano maaaring paglaruan ang kapangyarihan at salapi ng mga opisyal na pinagkatiwalaan ng taumbayan.


Kung buhay si Ninoy ngayon, alam natin ang kanyang sasabihin at gagawin. Walang takot niyang sasabihin sa anak ng diktador at sa lahat ng pinagkatiwalaang maglingkod:

“Maling takutin, linlangin, patulugin at tuluyang patayin ang diwang handang maglingkod, magtanggol at lumaban para sa bansa at mamamayan.”

At sa kanyang mga kababayan:


“Gising, mga kababayan! Umiyak, managhoy, magmartsa at sumigaw kayo! Hayaan ninyong linisin at imulat ng luha ang inyong mga mata; buksan at palayain ang inyong puso, isip at diwa.


Tayo ang Senado. Tayo ang mga Korte. Tayo ang Malacañang. Tayo ang Sandiganbayan at Ombudsman.


Gising, mga kababayan. Muling ninanakaw ang ating kalayaan ng mga taong pinagkatiwalaan natin. Panahon nang muling panagutin at ikulong ang mga taksil at tiwali.

Paalala ni Ninoy noon hanggang ngayon: Hindi isa o iilan ang bayani. Dumadaloy sa dugo at diwa ng bawat mamamayan ang hinding-hinding mamamatay—ang liwanag, tapang at lakas ng KABAYANIHAN!”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page