Sa illegal recruitment, pare-pareho ang kaparusahan ng principals, accomplices at accessories
- BULGAR
- Apr 22, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 22, 2021
Dear Chief Acosta,
Marami kaming kinasuhan ng krimeng Illegal Recruitment. Aminado akong nakinabang ako at kumita sa mga ginawa ng aking mga kasamahan. Gayunman, hindi ko matanggap na halos pareho ang kaparusahang ipinataw sa akin kahit ako ay masasabing accessory lamang dito sapagkat nagawa na ang illegal recruitment bago pa ako kumita o nakinabang dito. Maaari ba iyon na pare-pareho lang kami ng kaparusahan kahit pa man limitado lamang ang aking partisipasyon sa nasabing krimen? – Emi
Dear Emi,
Ang sagot sa inyong katanungan ay opo. Para sa inyong kaalaman, nakasaad sa Seksiyon 6 ng Republic Act (R. A.) No. 8042, o mas kilala sa tawag na “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995,” na inamyendahan ng R. A. No. 10022, na ang principals, accomplices at accessories ay mayroong magkaparehong kaparusahan sa kabila ng pagkakaiba ng antas ng kanilang partisipasyon, viz:
“xxx,
The persons criminally liable for the above offenses are the principals, accomplices and accessories. In case of juridical persons, the officers having ownership, control, management or direction of their business who are responsible for the commission of the offense and the responsible employees/agents thereof shall be liable. xxx.” (Binigyang diin)
Kaugnay nito, ang panuntunan na nakasaad sa ating Revised Penal Code tungkol sa graduation of penalties base sa partisipasyon ng akusado bilang principals, accomplices at accessories ay hindi agpang sa pawang kadahilanan na malinaw na nakasaad sa batas tungkol sa illegal recruitment na pare-pareho ang kaparusahan ng principals, accomplices at accessories.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments