top of page

Sa hatol na guilty kay Napoles sa pork barrel scam, nakikita na ng mag-asawang Discaya, malapit na silang makulong

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 24, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAPAG NAGING PRESIDENTE SI VP SARA AT NASA PASIG CITY JAIL PA SI QUIBOLOY MAY TSANSANG MAKALAYA, PERO KUNG SA US JAIL MAKUKULONG ‘DI NA SIYA MAKAKALAYA -- Nanawagan ang mga abogado ni Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Dept. of Justice (DOJ) na i-reject ang extradition request ng Amerika na isuko sa kanilang bansa ang pastor na may mga kasong child sex trafficking, sex trafficking by force, fraud and coercion, bulk cash smuggling at human rights violation sa Tate, kaso ayon sa mga lawyer ng pastor ay dapat tapusin muna ang mga kasong child sexual abuse at child sex trafficking na kinakaharap nito (Quiboloy) sa Pilipinas bago aksyunan ng DOJ ang hirit ng United States (US).


Ang posibleng dahilan kaya tutol ang kampo ni Quiboloy na isuko ito ng DOJ sa Amerika ay dahil malaki ang tsansa ng pastor na makalaya sa Pasig City jail kapag nanalo si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa 2028 presidential election, na ‘ika nga, higit 2-taon na lang hihintayin, malaya na si Pastor Quiboloy pero kapag sa US jail ito nakulong ay malabo na siyang makalaya sa bigat ng mga kasong kinakaharap niya sa Amerika, period!


XXX


‘DI MAN AMININ TIYAK KAKABA-KABA NA ANG MAG-ASAWANG DISCAYA, SA HATOL NG SANDIGANBAYAN KAY NAPOLES NA GUILTY SA PORK BARREL SCAM, MALAMANG MAKULONG DIN SILA SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM -- Laman na naman ng mga balita si pork barrel queen Janet Napoles matapos mapatunayan ng Sandiganbayan na guilty ito sa pork barrel scam kung kaya’t hinatulan ng pagkakakulong ng mula 12 hanggang 20 years sa mga kaso nitong graft at mula 20 hanggang 34 years sa mga kaso naman nitong malversation of public funds, at sigurado ang hatol na iyan ng korte ay nalaman na rin ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya dahil nga nabalita ito.


‘Ika nga, hindi man aminin ay tiyak kakaba-kaba na ang mag-asawang Discaya na kapwa naman nasasangkot sa flood control projects scam dahil nakikini-kinita na nila na matutulad sila kay Napoles, na silang mag-asawa kapag sinampahan na ng gobyerno ng mga kasong plunder, graft at malversation of public funds, kulong din aabutin nila, boom!


XXX


‘GHOST PROJECTS’ NG MGA KONTRATISTA ‘DI ISINAMA NI SEC. BONOAN SA ISINUMITE KAY PBBM NA FLOOD CONTROL PROJECTS NG MGA ITO -- Ikinagulat ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ang natuklasan daw niyang flood control "ghost" project ng SYMC Construction Trading na pag-aari ng isang Sally Nicolas Santos sa Baliwag, Bulacan ay wala sa post sa ‘Sumbong sa Pangulo’ website, at nalaman lang daw niya ito nang may magbigay ng impormasyon sa Malacanang patungkol sa "ghost  project" na ito.


Hanggang gulat lang? Aba’y dapat nang matuklasan niya ang "ghost project" na ito ay "forthwith" o agad-agad sinibak na niya si Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan kasi mistula siyang inunggoy ng kalihim dahil ang mga isinumite sa kanyang mga flood control project ng mga kontraktor ay hindi isinama ang mga "ghost project" ng mga construction firms kung kaya’t wala ang mga ito (ghost projects) sa post sa ‘Sumbong sa Pangulo’ website,  period!


XXX


‘MAGHAHALO ANG BALAT SA TINALUPAN’ SA PAGITAN NG SENADO AT KAMARA SA IMBESTIGASYON NILA SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Matapos umpisahan ng Senado ang imbestigasyon sa flood control projects scam ay inanunsyo ng Kamara na magsasagawa na rin sila ng imbestigasyon sa isyung ito.


Dahil diyan ay asahan nang "maghahalo ang balat sa tinalupan" sa pagitan ng mga senador at kongresista, malamang na magtuturuan sila kung sinong mga sen. at cong. ang sangkot sa flood control projects scam, abangan!


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page