Sa halos 9 yrs. nila ni Kathryn… SIGAW NI DANIEL: NAGAWA KO NA ANG LAHAT!
- BULGAR

- Feb 16, 2021
- 3 min read
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | February 16, 2021

Siguradong libu-libong KathNiel fans ang kinilig sa latest one-on-one interview ng reel at real couple na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa special Valentine's Day episode sa YouTube channel ng dalaga na Everyday Kath.
Dito ay kaswal nilang napag-usapan ang tungkol sa kanilang future plans simula nang sila'y maging boyfriend-girlfriend walong taon na ang nakakalipas.
"We've been together for almost nine years now. Mag-a-anniversary na kami in May. But na-realize ko, ang dami ko pa palang hindi naitanong kay DJ na random questions," bungad ni Kathryn.
Patuloy pa ng dalaga, “So hopefully after this episode, mas makilala ko pa siya lalo."
Isa sa mga naitanong ni Kath sa kanyang boyfriend ay kung pinagsisihan ba niya na nagkakilala sila at a very young age? Seventeen noon si Daniel at (sweet) 16 naman si Kathryn.
Sagot ni DJ (palayaw ni Daniel), “Hindi, ah, kasi siyempre... I mean, wala namang hinahanap na oras ang pagmamahal eh, 'di ba? Kapag para sa 'yo, para sa 'yo, kahit maaga man o late. Eh, nagkataon na tayo, maaga, so walang problema. At least maagang naibigay sa akin."
Katwiran pa ng aktor, pabor sa kanya ang maagang pagde-date sa unang sandali pa lang ng relasyon. At least daw, 'pag nawala na ang GF, nagawa na rin niya ang lahat.
"Minsan, oo, na-date mo nga pero pagdating ng panahon, tulala ka na. Mag-isa ka na. Puro ka na lang date, 'di ba? Wala naman akong na-miss, eh, dahil bago pa maging tayo, ako, nagawa ko na rin naman lahat. Lakwatserong bata naman ako. Eh, nu’ng kahit tayong dalawa naman, nagawa ko pa rin 'yung mga gusto ko," rason ng binata.
Mahalaga rin daw para kay Daniel ang pagrespeto sa karelasyon.
Pagsang-ayon naman ni Kathryn, "That's true. For me, 'yun din 'yung dapat, as in number one rule ninyo sa isang relationship. Kahit actually, hindi kayo boyfriend-girlfriend, kahit magkaibigan kayo [or magkapamilya], respect. Doon talaga nagsisimula."
Naitanong din ng aktres kung ano ang pinagseselosan ni DJ kay Kath?
"Siguro, example, nasa isang party tayo. Kapag hindi mo lang ako binabalik-balikan,” ayon sa aktor.
“Siyempre, gusto ko 'yung attention mo, eh, tapos hindi mo naibibigay. Attention-seeker ako, eh, 'di jealousy 'yun, 'di ba?"
Saad pa ni DJ, si Kathryn daw ang kabuuan ng isang babae para sa kanya at wala siyang papalitang ugali ng dalaga.
Aniya, "Wala. Hindi puwede 'yan. Wala akong papalitan sa 'yo. Kung may papalitan ako sa ugali mo, bakit hindi na lang ako maghanap ng iba na hindi ganu’n, 'di ba? Eh, kaya nga minahal kita, ganyan ka, eh."
Super proud daw siya sa pagkakaroon ng isang GF like Kathryn na kayang manindigan sa tama.
Mensahe pa niya sa dalaga, "Siyempre sa industriya, sa lahat ng mga nagawa mo, 'di ba? [Gaya] Siguro nu’ng nagkakagulo sa ABS-CBN. Kasama kitang nakiki-rally. Matibay ka sa mga ganu’ng panahon. 'Yun ang gusto ko sa 'yo. May paninindigan ka. Pinaninindigan mo 'yung tama.”
Isa sa mga inaabangang topics ay ang tungkol sa planong pagpapakasal at ang pagbuo ng isang pamilya na naitanong din ng aktres sa kanyang BF.
Tanong ni Kathryn, “Does it offend you whenever people ask us about getting married and I reply with, 'Matagal pa, 'di pa kami ready?'"
Sagot ng aktor, “Hindi naman. Ayaw ko rin namang madaliin... Okay lang 'yun. Pero ang sa akin lang, 'wag din tayong male-late. Alam mo na 'yung sinabi ko sa 'yo. Minsan, ang dami mong gustong gawin, 'di mo napapansin, napag-iwanan ka na."
Sa tanong na kung ilang anak ang gusto ni DJ, aniya ay dalawa lamang dapat na sinang-ayunan naman ng aktres.
Sey pa ng aktres, "Gusto ko boy and then girl."
Dahil 8 years and going strong pa rin ang kanilang relasyon, may payo ang aktor sa mga katulad nila para lalo pang tumagal ang kanilang relasyon.
Aniya, "Siyempre una, mahalin natin ang isa't isa. Pangalawa, sa lahat ng plano natin in the future, kasama ka, kasama ako. Walang katapusang pagsusuyo pa rin. Alam mo naman ako, 'di ba, Love? Iba lang siyempre, hindi na parang nanliligaw, pero hanggang ngayon, nag-e-effort pa rin ako sa 'yo. Minsan, sinu-surprise pa rin kita.
"'Yun lang. Siguro, continuous lang 'yung pagpapakita mo sa tao na mahal mo siya. Kasi 'yun naman 'yun, eh. Hindi lang sa 'kin 'yun, kundi sa 'yo rin. Kasi kung ako lang, mapapagod din ako. Kung puro ako na lang 'yung nagbibigay sa 'yo… hindi naman sa humihingi ako ng kapalit pero siyempre, kasama 'yun. Siyempre, para mahalin kita lalo, maramdaman ko rin na mahal mo rin ako...
“Saka i-praise ninyo 'yung isa't isa all the time. I-appreciate ninyo 'yung isa't isa. Ipagyabang ninyo 'yung isa't isa. 'Yun lang," nakakakilig na pagtatapat ng aktor.





Comments