Sa simula’t hulihan sa kanya ang yaman at lakas, katotohanan at kaligtasan
- BULGAR

- 2 days ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 26, 2025

NITONG nakaraang Linggo, Nobyembre 23, 2025 ang ika-100 taong anibersaryo ng Pista ng Kristong Hari.
Itinalaga ang Pista ng Kristong Hari noong 1925 ni Papa Pio XI.
Katatapos lang noon ng Unang Pandaigdigang Digmaan (First World War). Natapos din ang apat na pangunahing monarkiya (hari at reyna atbp galing sa isang pamilya) at nag-umpisa nang lumaganap ang ateyismo at sekularismo sa Europa.
Wala pang 20 taon, nagsimula na naman ang Pangalawang Pandaigdigang Digmaan (World War II) sa taong 1943. Nangyari ang madugo at malagim na trahedya sa loob ng tatlong taon. Kasama na rito ang Holocaust ni Adolph Hitler at ang kamatayan ng mahigit na anim na milyong Hudyo sa iba’t ibang Concentration Camp sa Europa.
Sa sumunod pang 20 taon naganap naman ang giyera sa Vietnam noong dekada 60. Sa dekada 70, nagsimula ang ating kalbaryo sa mahabang panahon ng Batas Militar sa ilalim ng diktador. Tumagal ng 21 taon ang pamumuno ng diktador hanggang nawakasan ito sa pamamagitan ng People Power Revolution noong Pebrero 1986.
Pebrero 1986 ang simula ng panahon ng bagong pag-asa.
Marami ang nagalak, maalab ang pag-asa, masigla at malawak ang pagdiriwang ng katapusan ng madilim na panahon ng pagsupil sa kalayaan, pilit na pananahimik sa mga mamamahayag at sa mga mulat na mamamayan.
Dumaan ang halos apat na dekada at unti-unting nanlamig na naman ang kapaligiran at dumilim ang himpapawid. Nagsibalikan ang mga lumikas noong mapayapang rebolusyon ng 1986.
Sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Fidel Valdez Ramos, unti-unting bumalik ang Pamilya Marcos. Hindi nagtagal nakabalik na silang lahat sa pulitika mula lokal hanggang nasyonal. Matagal na naging gobernador ang magkapatid na Imee Marcos at Bongbong Marcos hanggang sa naging mga senador ang dalawa.
Noong halalan ng 2022, nangyari ang kagulat-gulat na pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang.
Sa nakaraang siyam na taon mula 2016 hanggang ngayon, mabilis na nagsalitan ang liwanag at dilim, nagkaroon ng karahasan sa nagdaang administrasyon, at sa kasalukuyan ay bangayan ng dating magkakampi, ang UniTeam, na tila sumisira at
humahati sa buong bansa.
Anong nangyari? Tanong pa ng marami: “Paano matatapos, malulutas ang ating mga problema.”
Panalangin, ang payo natin sa lahat. Gawin natin ang dapat nating gawin. Mag-aaral, magsusuri, magsasaliksik, mag-uusap, mag-oorganisa, kikilos, magcha-chant ng “Ikulong na ‘yan mga kurakot,” magpapa-presscon, magra-rally at titigil. Sa pagtigil, mananalangin upang muling makinig sa Diyos at tumanggap ng kanyang pagpapalang lakas at liwanag.
Ito ang kahalagahan na magtipun-tipon sa Pista ng Kristong Haring Lingkod, isang linggo bago maganap ang higit pang malaking pagtitipon ng mga galit ngunit mahinahon, pagod ngunit puno ng pag-asa, iba-iba ang pananaw ngunit nagkakaisa sa damdamin at pangarap, tumatanda ngunit pawang mga musmos at batang puno ng galak at tigib ng samo’t saring pangarap para sa kinabukasan.
Biyaya ang buhay at biyaya rin ang pag-asang nagpapainit at nag-uudyok na kumilos at lumikha para sa kabutihan at kapakanan ng lahat.
Ngunit hindi Siya Hari lamang kundi Haring Lingkod. Hindi Siya dumating sa mundo upang paglingkuran kundi para maglingkod. Hindi siya naghangad maging makapangyarihan at magkaroon ng kayamanan at ari-arian.
Pinili niyang maging dukha at ipinanganak sa mga magulang na payak, ang ina Niya’y isang karaniwang babaeng Hudyo at ang kanyang ama ay isang karaniwang karpintero.
Tapat siya sa kanyang Ama na inutusan Siyang mangaral tungkol sa kakaibang kaharian. Kaharian ng mga aba, ng mga naghihirap at pinahihirapan dahil sa kanilang pamamahayag sa kakaibang kaharian.
Ano ang kahariang ito, ang Kaharian ng Haring Lingkod? Kabaliktaran ng kaharian ng tao ang Kanyang kaharian. Wala siyang palasyo, walang magarang damit at gintong trono. Walang salaping pilak o ginto. Walang hukbong sandatahan. Walang hukbong pandagat o panghimpapawid. Walang “pork barrel” o “especial insertions,” walang partido, walang mga kaalyado at mga die hard supporter, walang mga trolls at Troll Farms.
Siya’y nasa itaas na ngunit bumaba, kaisa ng mga pulubi’t dukha, ng mga nasa gilid ng mga kalye, sa ibabaw ng estero o ilalim ng tulay.
May-ari ng lahat ngunit naging walang-wala. Bihira siyang magsalita kundi sa pangangaral, pagpapalayas ng masasamang espiritu at sa pamamahayag ng paghahari ng Diyos. Tinig Niya’y nasa hangin, sa bundok, sa puno’t mga ibon, sa kaparangan at kagubatan, sa mababangis at maamong hayop, sa tubig, sa maliit at dambuhalang lumalangoy na hayop at isda, sa hangin, laruan ng lahat ng lumilipad.
Araw-araw, sa pagsapit ng dilim, lalayo sa tahimik na lugar upang ang Ama’y makapiling. Itataas ang kasalanan at kahinaan ng lahat. Hihilingin ang liwanag at lakas upang lumaya sa kabulagan at kasakiman ang lahat. Handog Niya’y kalayaan, bagong buhay, buhay na ligtas. Sa simula’t hulihan sa Kanya ang yaman at lakas, katotohanan at kaligtasan.
Siya’y kakaibang hari. Nais Niyang tayo’y magising, at totoong unti-unti na ngang gumigising, nagagalit, nagtatanong, naghahanap ng sagot. Nayayamot sa mga taong ganid, mga pamilyang masisiba, sa mga pinunong kurakot at lustay.
Panahon nang magbago, bumalik sa Kanya at sa Kanyang kaharian, kay Kristo, Haring Lingkod!








Comments