top of page

Sa dami ng bobotante, wagi pa rin sa eleksyon mga sen. at cong. na sangkot sa pork barrel at flood control project scam

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 23, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PORKE NAGING BILYONARYO SA ‘PANG-I-SCAM’ SA PERA NG BAYAN NAG-FEELING POWERFUL NA MAG-ASAWANG DISCAYA, INISNAB ANG PRESIDENTE AT SENADO -- Matapos matuklasan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) noong Aug. 15, 2025 na substandard (tinipid sa materyales), hindi tinapos at iniwang nakatengga ng St. Timothy Construction Corporation na pag-aari ng mag-asawang Currel at Sarah Discaya ang na-award sa kanilang flood control project sa Calumpit, Bulacan ay sinabi ng Pangulo na dapat magpaliwanag sa kanya ang mag-asawang kontraktor kung bakit ganu’n ang ginawa sa proyektong pangontra sa baha na nagdulot para lalong bahain ang munisipalidad na ito, pero inisnab ang panawagan ng President, dahil hanggang ngayon ay hindi pa sila nagtutungo sa Malacañang para magpaliwanag.


Sa nakaraang pagdinig noong Aug. 19, 2025 ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Rodante Marcoleta, kabilang ang mag-asawang Discaya sa ipinatawag para dumalo sa Senate probe upang kuwestiyunin sa mga substandard, hindi tinapos at iniwang nakatenggang mga flood control project na na-award sa kanilang mga construction firms, pero inisnab din nila ang Senado.


Aba’y feeling powerful ang mag-asawang Discaya na ito, naging mga bilyonaryo lang sa ‘pang-i-scam’ sa pera ng bayan, eh pati Presidente at Senado iniisnab-isnab lang, tsk!


XXX


MANANALO PA RIN SA ELEKSYON ANG MGA SEN. AT CONG. NA SANGKOT SA PORK BARREL AT FLOOD CONTROL PROJECT SCAM DAHIL SA DAMING BOBOTANTE -- Walang epekto sa political career ng mga senator and congressmen ang mga isyung nagsasangkot sa kanila sa kickback sa pork barrel at flood control “ghost” project dahil sa dami ng mga bobotante ay tiyak na mananalo pa rin sila sa darating na 2028 election.


Napatunayan na ‘yan sa mga senador at kongresistang nasangkot noon sa pork barrel scam ni Janet Napoles, na nang kumandidato sila noon, mga nagsipagwagi pa sa eleksyon, buset!


XXX


SABLAY ANG PAGTALAGA NI PBBM KAY NEPOMUCENO BILANG CUSTOMS COMMISSIONER DAHIL HIRIT NI SEN. PANGILINAN TULOY PA RIN ANG AGRI-SMUGGLING SA ‘PINAS -- Ibinulgar ni Sen. Kiko Pangilinan ang mga kumpanya ng mga broker na patuloy na nagpupuslit sa Customs ng mga smuggled na agricultural products at ang mga ito ay ang 1024 Consumer Goods Trading, Berches Consumer Goods Trading, EPCB Consumer Goods Trading, Queenstar Industry Consumer Trading at Vox Enterprises OPC.


Hay naku, tila sablay din ang pagtatalaga ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kay Ariel Nepomuceno bilang Customs commissioner dahil nga sabi ni Sen. Kiko ay tuloy pa rin ang raket na agri-smuggling ng mga broker na iyan sa Adwana, tapos ang head ng Adwana walang aksyon laban sa mga agri-smuggler na ito, boom!


XXX


IMBES PURUHIN NI CONG. GOMEZ SI MAYOR MAGALONG SA PAGLABAN SA CORRUPTION, BINATIKOS PA -- Pinutakti ng pamba-bash ng netizens sa social media si Leyte 4th District Rep. Richard Gomez sa ginawa niyang pambabatikos kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nagbubulgar sa mga tinatanggap na kickback ng mga pork barrel congressmen sa mga flood control projects sa bansa.


Maba-bash talaga si Cong. Gomez dahil mainam na may isang Mayor Magalong na nagbubulgar sa mga katiwaliang pinaggagawa ng ilang kongresista, at imbes na puriin niya ang alkalde sa ipinakikita nitong tapang laban sa corruption, eh mantakin n’yo binatikos pa ng actor-turned congressman, tsk!

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page