Sa ayuda at sikat huwag magpabudol, iluklok ang tama
- BULGAR

- Feb 7
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Feb. 7, 2025

Hitik na hitik na naman sa pamumulitika at gimik ang paligid. Amoy na amoy na ang simoy ng halalang papalapit. Samu’t saring paandar ang niluluto at ginagawa ng mga nag-aambisyong muling maihalal o kaya nama’y sa unang pagkakataon ay maluklok sa posisyon na kung tawagin ay “honorable”.
Nakakapandiri ang mga pagsasayaw na ginagawa ng mga ambisyoso na ibinabandera pa ang kanilang kababawan sa TikTok sa ngalan ng pagpapapansin. Palibhasa, walang lalim ang kanilang dala-dalang pagkatao at pag-iisip kaya akala nila ay mabisang gimik pa rin ang pambubudot na siya namang paandar noon ng isang artistang kandidato.
Iba na ang panahon ngayon. Napakarami nang nabago mula noon sa pamamaraan ng epektibong pangangampanya. Dati-rati, tiyak na magwawagi sa halalan ang isang incumbent o kasalukuyang senador na muling tumatakbo. Ngayon ay hindi na sila nakatitiyak. Patunay niyan ang mababang rating sa senatorial survey ni Sen. Francis “Tol” Tolentino.
Dati-rati, basta bugbog ng exposure sa ABS-CBN ang isang kandidato ay malamang sa hindi na mahalal ito. Naaalala tuloy natin si dating Sen. Sergio Osmeña III na naluklok sa lakas ng nasabing media platform at nahalal nang hindi kinailangang maglibot sa bansa. Napakaimpluwensya naman talaga noon ng ABS-CBN, kung saan ang mayorya ng mamamayang Pilipino ay tumutok at nag-abang. Hanggang sa nagkaroon na ng social media, at nawalan pa ng prangkisa ang istasyon.
Ngayon, splintered na ang dating halos ay nag-iisang dapat targetin na medium ng isang kandidato para siya umalagwa. Kalat-kalat na ang pamamaraan ng pag-abot sa masang milyun-milyon. Watak-watak na ang atensyon ng taumbayan.
Naging lalong popular ang social media sapagkat matatapang ang mga nagsisipagsalita rito, nararamdaman ang kanilang sinasabi, walang pinangingilagan, at tamaan kung sinong tamaan ng kanilang ibinubuyangyang na saloobin.
Gusto ng masa ang tinatawag na “real conversations” o mga nakikipag-usap sa kanila ng totoo at walang pagtatakip. Ayaw nila ng bahag ang buntot, o kumikiling sa mga nasa kapangyarihan kahit sinasalaula naman ang taumbayan.
Ang mga influencer na kusang nakakakuha ng mga followers at tagasuporta ay iyong nagbubulalas ng saloobin na hindi man lamang marinig ni katiting mula sa mga inaasahang magsalita nito para sa kanila.
Kaya naman puntirya sila ng mga kandidatong naghahangad na maanggihan ng suporta ng followers ng nasabing influencers. Samantala, napakamahal naman ang bawat post ng celebrity influencers na milyon naman ang tagatangkilik.
Dahil sa mas masalimuot, mas mahirap at mas mahal na pangangampanya sa bagong panahon, ayun at kailangang mangalap ng mas maraming panggastos o gumawa ng mas matinding mekanismo para makasiguro ng boto.
Hindi na tayo nagtataka kung bakit andaming dole-out na ayuda na ipinamumudmod ngayong election season. Itong mga incumbent na itong mapagsamantala, hindi lumaban ng patas na lamang.
Kaya hindi na rin dapat magtaka kung ang naipasang budget ng Kongreso ay ‘salaula’ at kahihiyan sa buong kasaysayan ng Pilipinas. Gagawin ang lahat, masungkit lang ang mandato na magbibigay muli sa kanila ng natikman na nilang biyaya ng pagiging nasa poder.
Kaya naman, mga kababayan, mag-isip-isip at matauhan na sa pagpili ng mga ihahalal. Huwag kumuha ng bato na ipupukpok sa ulo, o nang nangangalandakang mapagserbisyo ngunit walang tunay na malasakit. Ingat-ingat lang mula sa pambubudol ng maraming tumatakbo.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments