top of page

Sa asta ni Tito Sen, baka agad-agad ‘makudeta’ at mapatalsik na Senate President

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 13
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 13, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TITO SEN, BAKA AGAD-AGAD ‘MAKUDETA’ AT MATANGGAL DIN BILANG SENATE PRESIDENT -- Sinabi ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na pinayuhan niya si newly elected Senate President Tito Sotto na ituring nito ang kanyang sarili bilang Senate president ng lahat ng senador, at hindi Senate president lang ng mga miyembro ng majority bloc ng Senado, dahil kung ang paiiralin niya na SP lang siya ng majority bloc ng Senate ay "forthwith" o agad-agad baka “makudeta” rin siya bilang Senate president.


Sa tema ng salita ni Sen. Lacson ay tila hindi niya nagustuhan ang pagtanggal sa mga komiteng hawak dati ng mga senador na kasapi ng majority bloc noon, na ngayon ay nasa minority bloc na matapos na “makudeta” o mapatalsik si Sen. Chiz Escudero at si Tito Sen ang maging SP ng Senado.


Isang halimbawa riyan ay ang nangyari kay Sen. Bong Go, epektibo niyang nagagampanan ang mandato bilang chairman ng Senate Committee on Health and Demography, napakarami niyang nagawa patungkol sa health care na napapakinabangan ngayon ng milyun-milyong Pilipino, tapos porke nasa majority bloc si Sen. Risa Hontiveros at naging bahagi ng minority bloc si Sen. Bong Go ay tinanggal sa kanya ang komiteng ito (health) at ibinigay sa kaalyado niyang senadora, tsk!


XXX


BAKA MAGKAROON NG LAMAT ANG MAYORS FOR GOOD GOVERNANCE DAHIL SA MAGKAIBANG PANINIWALA NINA MAYOR VICO AT MAYOR MAGALONG KUNG DAPAT O HINDI MAGING STATE WITNESS ANG MAG-ASAWANG DISCAYA -- Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ay pinangalanan ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ang ilang kongresista at Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na nanghihingi raw ng kickback sa kanila mula year 2022 hanggang year 2025, at pagkaraan ay nag-request sila na magpasailalim sa witness protection program ng gobyerno, at sa imbestigasyon naman ng House Infra Committee, ang isa sa resource person na si Pasig City Mayor Vico Sotto ay nagsabi na hindi dapat maging state witness ang mga Discaya dahil bukod sa bilyun-bilyong pisong pera ng bayan ang kanilang ‘na-scam’ ay pareho pa raw sinungaling ang mag-asawang ito, at sa House hearing din na ito ibinulgar ni DPWH Engr. Brice Hernandez na sangkot sa flood control anomaly sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva.


Matapos ang magkasunod na imbestigasyon ng Senado at Kamara, sinabi ni Baguio

City Mayor Benjamin Magalong na mas kapani-paniwala raw ang imbestigasyon ng Senado kaysa Kamara, na waring tila pabor siyang maging state witness ang mag-asawang Discaya, na kinokontra naman ni Mayor Vico.


Malamang magkaroon ng lamat ang Mayors for Good Governance na parehong kinaaaniban nina Mayor Vico at Mayor Magalong dahil magkasalungat ang kanilang paniniwala sa kung dapat o hindi maging state witness ang mag-asawang Discaya, period!


XXX


NAGKUKUMAHOG ANG MAG-ASAWANG DISCAYA NA MAGING STATE WITNESS PARA MAKALUSOT SA KASO, AT ‘DI MABAWI ANG P31B ‘IN-SCAM’ SA KABAN NG BAYAN -- Kahit maraming personalidad na ang nagsasabi na hindi puwedeng maging state witness ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya dahil bukod sa bilyun-bilyong pisong pera ng bayan ang kanilang ‘na-scam’, pareho pa silang sinungaling, ay nagkukumahog pa rin ang mag-asawang Discaya na maging testigo ng estado sa mga pinangalanan nilang mga kongresista na tumatanggap daw ng kickback sa mga flood control projects.


Sa totoo lang, dalawa lang naman ang dahilan kaya nagkukumahog silang maging state witness, at ito ay para makalusot sila sa kaso at hindi bawiin ng gobyerno ang higit P31B ‘in-scam’ nila sa kaban ng bayan, buset!


XXX


KAYA MARAMING JOBLESS DAHIL MARAMING GHOST PROJECTS, MGA PROYEKTONG WALANG NAGTATRABAHO -- Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay dumami ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa Pilipinas.


Isa lang naman ang dahilan kung bakit maraming jobless Pinoy kasi sangkatutak ang mga ghost project sa DPWH, mga proyektong walang nagtatrabaho, boom!



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page