ROTC, sandata ng kabataan laban sa sakuna
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 15, 2026

Hahayaan ba nating manatiling kulang sa kahandaan ang kabataan sa panahon ng sakuna habang sunud-sunod ang mga kalamidad na tumatama sa bansa?
Sa gitna ng malalakas na lindol, baha, at iba pang panganib, tila muling nabubuhay ang usapin kung sapat ba ang kakayahan ng mga kabataan sa pagharap sa emergency at kung kailangan na bang seryosohin ang pagsasanay para rito.
Kasabay ng paggunita sa ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas nitong Hunyo 12, muling itinulak ng isang mambabatas ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 617 o ang panukalang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act. Hindi lamang umano ito usapin ng disiplina o pagmamahal sa bayan kundi bahagi rin ng paghahanda sa mga sakuna at krisis na maaaring kaharapin ng bansa.
Dagdag pa rito, mas tumingkad umano ang kahalagahan ng panukala matapos ang malakas na magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, na nagdulot ng pangamba at muling nagpapaalala sa kahinaan ng maraming komunidad sa panahon ng kalamidad. Binigyang-diin din na ang seguridad ng bansa ay hindi lamang nasusukat sa mga panlabas na banta kundi pati sa kahandaan ng mamamayan sa harap ng mga natural na sakuna.
Sa ilalim ng panukala, layunin umanong hubugin ang kabataan upang maging disiplinado, makabayan, at handang tumugon sa iba’t ibang hamon ng lipunan. Para sa marami, maaaring makatulong ang mas maayos na pagsasanay upang magkaroon ng kaalaman sa disaster response, basic survival skills, at pagtulong sa komunidad kapag may emergency.
Gayunman, bilang mamamayan, mahalagang tingnan ito hindi lamang bilang obligasyong militar kundi bilang usapin ng kaligtasan ng publiko. Hindi maikakaila na sa bawat lindol, baha, o sunog, ordinaryong mamamayan ang unang naaapektuhan. Sa maraming pagkakataon, kapos ang kaalaman ng ilan kung paano kikilos sa oras ng peligro. Kung maayos na maipapatupad, maaaring magsilbi itong paraan upang mas maging handa ang kabataan sa totoong hamon ng buhay.
Ngunit hindi rin dapat maging limitado sa ROTC lamang ang paghahanda. Kailangang palakasin din ng pamahalaan, paaralan, at pamilya ang pagtuturo ng disaster preparedness, first aid, at tamang pagresponde sa emergency. Ang tunay na kahandaan ay hindi lamang nakikita sa pagsunod sa utos kundi sa wastong kaalaman at malasakit sa kapwa.
Ang tanong ay hindi kung pabor o tutol sa ROTC, kundi kung paano masisiguro na magiging ligtas at handa ang bawat Pilipino sa panahon ng sakuna. Sa bansang madalas tamaan ng kalamidad, ang pagiging alerto, disiplinado, at may sapat na kaalaman ay hindi luho kundi pangangailangan.





Comments