top of page

Romualdez, na-wow mali, pasok pa rin sa flood control case

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 19, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MALI ANG AKALA NI MARTIN ROMUALDEZ NA SAFE NA SIYA SA KASO, KASI KABILANG SIYA SA KINASUHAN NG UPAC – Nagsampa ng civil complaint na abuse of rights at unjust enrichment sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang United People Against Corruption (UPAC) laban kina Leyte Rep. at dating Speaker Martin Romualdez, dating House Appropriations Committee chairman at nagbitiw na Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, at Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael Vargas.


Kaugnay ito ng pag-apruba ng tatlong kongresista sa paglalaan ng taunang pondo na umaabot sa P944 milyon para sa mga flood control project mula 2023 hanggang 2025 sa nasabing distrito. Sa kabila nito, patuloy pa ring binabaha ang mga residente tuwing panahon ng tag-ulan.


Ipinapakita nito na mali ang akala ni Romualdez na ligtas na siya sa anumang pananagutan matapos ihayag noon ng kanyang abogado na wala umanong nakitang ebidensya ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nag-uugnay sa kanya sa flood control scandal. Sa kabila ng pahayag na ito, isinama pa rin siya ng UPAC bilang respondent sa civil case na inihain sa QC RTC. Boom!


XXX


GARAPAL DAW TALAGA ANG MGA NASA BICAM KASI NAGAWA PA RIN NILANG PALUSUTIN ANG P243B UNPROGRAMMED FUND NG MARCOS ADMIN – Sa mga imbestigasyon noon ng Senate Blue Ribbon Committee, lumitaw na mistulang pork barrel fund din umano ang unprogrammed fund ng gobyerno, dahil may mga pondong nakapaloob dito na napunta sa mga maanomalyang flood control projects. Dahil dito, inakala ng publiko na hindi na papayag ang mga senador at kongresista—lalo na ang mga kasapi ng Bicameral Conference Committee—na muling maisama ang ganitong uri ng pondo sa 2026 national budget.


Ngunit kabaligtaran ang nangyari. Sa kabila ng mga naunang kontrobersiya at babala, ipinasa at “inilusot” pa rin ng mga senador at kongresista ang P243 bilyong unprogrammed fund ng administrasyong Marcos.


Masaklap, ginawa pa ito kahit naka-live streaming sa social media ang mga pagdinig at deliberasyon. Sa harap ng publiko, tahasan pa ring naipuslit ang hirit na P243 bilyong unprogrammed fund—isang malinaw na pagpapakita ng garapalan at kawalan ng pananagutan ng ilang mambabatas.


XXX


DAMING KURAKOT SA DPWH, TAPOS 90 ENGINEERS LANG ANG TINARGET NI SEC, DIZON – Ibinida ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na 90 opisyal at tauhan ng ahensya na sangkot umano sa mga flood control projects ang kanyang tinanggal sa puwesto—ang ilan ay sinuspinde, ang iba ay nakasuhan na, at meron pang nakatakdang sampahan ng kaso.


Ngunit teka muna. Kung halos lahat ng tanggapan ng DPWH sa buong bansa ay nadawit sa isyu ng mga maanomalyang flood control projects, paanong 90 DPWH engineers lamang ang natanggal, nasuspinde, o napasuhan?


Ang malinaw na lumalabas: may sangkatutak pa ring tiwaling opisyal sa DPWH na nananatiling “untouchables” sa kani-kanilang puwesto. Kung 90 lang ang tinarget, ibig sabihin ay napakarami pa ang hindi man lang nagalaw—at hanggang ngayon ay patuloy na nakakapit sa kapangyarihan. Period!


XXX


KAILAN KAYA MAGPAPAKITANG-GILAS SINA MAJ. SALTIN AT MAJ. LUPISAN PARA DAKPIN MGA MANGRARAKET SA BACNOTAN AT BANGAR, LA UNION? – Hanggang ngayon ay tuloy pa rin umano ang raket na drop balls at color games nina “Bong” at “Mylene” sa mga munisipalidad ng Bacnotan at Bangar, La Union.


Ang tanong ng publiko: kailan kaya kikilos at magpapakitang-gilas sina P/Maj. Ariel Saltin ng Bacnotan Police Station at P/Maj. Ronald Lupisan ng Bangar Police Station upang pangunahan ang pag-aresto sa mga sangkot sa ilegal na sugal sa loob ng kanilang nasasakupan?


Hanggang kailan magbubulag-bulagan? Abangan.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page