top of page

Romualdez, imbes na ginigisa parang ‘binebeybi’ pa ng ICI at Ombudsman

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 11 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 5, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT ISAMA SA KASUHAN AT IKULONG SA CITY JAIL SINA BONOAN AT CABRAL -- Hiniling ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Andres Reyes, Jr. kay Ombudsman Boying Remulla na imbestigahan sina former Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan, ex-DPWH Usec. Catalina Cabral at former DPWH Usec. Roberto Bernardo sa posibleng paglabag ng mga ito sa Code of Conduct and Ethical Standard.


Ayos iyan, dahil sa tatlong nabanggit na former DPWH officials ay tanging si Bernardo pa lang ang nadidiin nang husto, kasi sa totoo lang, bilang naging DPWH secretary si Bonoan at naging DPWH usec. for planning and for public-private partnership (PPP) si Cabral ay imposibleng wala silang alam sa naganap na malawakang flood control projects scam sa buong bansa, kaya't dapat talaga kabilang sila sa mga makasuhan at makulong sa Quezon City jail, period!


XXX


DPWH SEC. DIZON TAKOT BANG MAG-IMBESTIGA SA FLOOD CONTROL PROJECTS NI CONG. PULONG SA DAVAO CITY? -- Si former DPWH Usec. Cabral ang nagkumpirma sa imbestigasyon ng House Infra Committee na sa distrito ni Davao City Rep. Paolo Duterte ay may higit P51 billion ibinabang pondo ang DPWH.


Ang tanong: Sa dami na ng lugar sa bansa kung saan ay nagsagawa na rito si DPWH Sec. Vince Dizon ng pag-inspection sa mga flood control project ay bakit hindi pa siya nagagawi sa Davao City para tingnan kung maayos o may alingasngas sa mga proyektong pangontra sa baha sa distrito ni Cong. Pulong?


Lumalabas ngayon na ang hindi pagpunta ni Dizon sa Davao City para inspeksyunin ang mga flood control projects sa distrito ni Cong. Pulong ay indikasyon na "may kaba siya sa dibdib" na pasukin ang balwarte ng pamilya Duterte, boom!


XXX


DAPAT SI REP. MARTIN ROMUALDEZ ‘GINIGISA’ HINDI PARANG ‘BINEBEYBI’ -- Dapat gisahin nang todo ng Marcos administration si Leyte Rep. Martin Romualdez kung bakit matapos mabulgar ang flood control projects scam, ay agad-agad binigyan niya ng travel clearance si former Rep. Zaldy Co, pero imbes gisahin ay tila binebeybi pa ito (Romualdez) ng ICI, Ombudsman at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).


Panawagan ng taumbayan sa ICI ay isapubliko ang kanilang hearing, tumanggi ang ICI, at after ng closed-door hearing kay Romualdez at saka inanunsyo ni ICI Chairman Reyes na next hearing nila ay live telecast na. Sa parte ni Ombudsman Boying Remulla ay hindi raw masasama ang dating speaker sa mga kakasuhan ng plunder at gross negligence lang daw ang puwedeng ikaso sa kanya (Romualdez) dahil hindi nabantayan ang mga pinaggagawang pang-i-scam ni Zaldy Co, at ayon naman kay CAAP Director General Raul Del Rosario ay wala raw pag-aaring mga private plane at helicopters o iba pang air assets ang ex-speaker, tsk!


XXX


PAG-REJECT NG SC AT SAN JUAN RTC SA MGA HIRIT NI SEN. JINGGOY INDIKASYONG MAGBABALIK KULUNGAN NA SIYA -- Matapos i-reject ng Supreme Court (SC) ang hirit ni Sen. Jinggoy Estrada na iabsuwelto siya sa mga kaso niyang graft and corruption patungkol sa pork barrel scam, ay ni-reject din ng San Juan City Regional Trial Court (RTC) ang hirit ng senador na pagbawalan si DPWH-Bulacan 1 former Asst. Dist. Engr. Brice Hernandez sa pagkaladkad sa kanyang pangalan sa flood control projects scam.


Dahil tinabla ng dalawang korte ang hirit ni Sen. Estrada ay nakikita na ng publiko na hindi siya safe sa pork barrel scam at flood control projects scam, kaya’t dapat na niyang paghandaan ang pagbabalik niya sa kulungan, abangan!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page