Romualdez, ‘di nakakasiguro sa puwesto, may ugong na babanggain nina Benitez at Tiangco
- BULGAR

- Jun 27, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 27, 2025

SPEAKER ROMUALDEZ TAGILID SA PUWESTO DAHIL SA 20TH CONGRESS MAY UGONG NA BABANGGAIN SIYA NINA BENITEZ AT TIANGCO SA SPEAKERSHIP -- Sa pag-uumpisa ng 19th Congress noon ay unopposed o walang kalaban si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez sa pagiging Speaker of the House, pero sa pagpasok ng 20th Congress ay dalawa ang umugong na lalabanan siya sa pagka-speakership, at sila ay sina Bacolod City Rep. Albee Benitez at Navotas City Rep. Toby Tiangco.
Ibig sabihin niyan na kaya may dalawang babangga kay Speaker Romualdez sa speakership ng Kamara ay dahil may mga kongresistang hindi happy sa kanyang liderato, kaya’t hindi siya nakakasiguro na siya pa rin ang magiging House speaker sa 20th Congress, abangan!
XXX
MABABATIKOS TALAGA SI SP ESCUDERO DAHIL NAGBIGAY SIYA NG ‘HINT’ SA KAMPO NI VP SARA NA PUWEDENG MA-DISMISS AGAD ANG MGA KASONG IMPEACHMENT KAHIT WALANG IMPEACHMENT TRIAL -- Pinutakti na naman ng batikos si Senate President, impeachment Presiding Judge Chiz Escudero sa kanyang statement na may posibilidad daw na kahit walang trial ay ma-dismiss sa pamamagitan ng botohan ng mga senator-judges ang mga articles of impeachment na isinampa kay Vice President Sara Duterte-Carpio.
Mababatikos talaga siya kasi malinaw na binigyan na niya ng “hint” ang defense lawyers ni VP Sara na sa pagbubukas ng impeachment court sa 20th Congress ay magmosyon agad ng dismiss para pagbotohan agad ito ng senator-judges at dahil lamang sa bilang ang mga pro-Duterte senators ay sigurado nang madi-dismiss ang mga kasong impeachment sa bise presidente nang walang magaganap na impeachment trial, tsk!
XXX
KAPAG WALANG NAGANAP NA IMPEACHMENT TRIAL BAKA IKATALO ITO NI VP SARA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Kung alam ni VP Sara sa kanyang sarili na wala naman siyang kinurakot sa kanyang confidential funds, dapat sabihan niya ang kanyang mga defense lawyer na huwag munang mag-motion to dismiss at manawagan siya sa mga senator-judges na hayaang magkaroon ng impeachment trial para makita ng publiko na wala siyang ginawang katiwalian sa pera ng bayan na nasa Office of the Vice President (OVP), gayundin sa public funds sa Dept. of Education (DepEd) noong siya pa ang namumuno sa departamentong ito.
Kasi sa totoo lang, kung walang magaganap na impeachment trial ay baka ikatalo niya ito sa 2028 presidential election, period!
XXX
DAHIL SA KAHAMBUGAN, OUT NA SI FITNESS VLOGGER RENDON LABADOR SA ‘WEIGHT LOSS PROGRAM’ NG PNP -- Tinabla na o tuluyan nang nawalan ng papel si fitness vlogger Rendon Labador sa PNP “weight loss program”.
Sa totoo lang, sa mga pulis na nakatalaga lang sa Police Community Affairs and Development Group (PCADG) dapat magtuturo si Rendon para bumaba ang timbang nila, pero ang ginawa niya ay nagyabang sa social media, na kesyo siya na raw ang itinalagang fitness coach ng PNP, gayong PCADG lang naman pala ang kumuha sa kanyang serbisyo, at dahil sa kanyang kahambugan, wala na siyang papel, out na siya sa “weight loss program” sa PNP, boom!







Comments