top of page
Search
  • BULGAR

Rio, nahirapang huminga... RURU, TODO-DENY NA WALANG MEDICS SA TAPING NG SHOW

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 10, 2024



Pumalag sina Ruru Madrid at Jon Lucas ng seryeng Black Rider sa naisulat naming walang medics sa set ng kanilang programa. 


Kuwento ng aming source ay nahirapang huminga ang aktres na si Rio Locsin pagkatapos ng mga intense na eksena sa serye. 


May mga kumalat na video kung saan umiiyak si Rio at hinahagod ang likod niya ni Ruru habang hinahaplos ang buhok ng aktres. 


Ang tsika ng aming source ay walang medic na umalalay sa aktres para i-pacify siya dahil baka nag-hyperventilate ito at nakita naman daw ‘yun sa video. 


Nagpaliwanag agad si Jon tungkol sa nasabing eksena, “Dahil po ‘yun sa eksena na ginawa nila ni Ruru. Nahirapan po siya makabitaw sa emosyon. Hindi totoo na walang medic sa set ng Black Rider. Ang totoo, may nakahanda pa ngang ambulansiya parati doon.


Si Jon po pala ito, mga Kapuso. Si CALVIN ng Black Rider. Maraming salamat po.”


Sinundan din naman ni Ruru ng pagpapaliwanag, “Hindi po totoo na nahirapan huminga si Tita Rio sa set ng Black Rider. Meron po kaming eksenang ginawa, kung saan nahirapan si Tita Rio na i-cut ang emotions n’ya after mag-cut ng aming director.


“Kaya kung mapapansin n’yo po ‘yung video, kino-comfort po s’ya ng lahat. Hindi rin po totoo na walang medic sa set ng mga GMA shows dahil hindi po natin masasabi kung ano ang puwedeng mangyari sa isang set ng programa, at dapat po tayong handa doon.


“Maraming salamat po.”


Say naman ng aming source nu’ng balikan namin siya dahil itinanggi nina Ruru at Jon na walang medic sa set, “Wait, ha, hinihingi ko ang buong video saka ‘yung kasama kong nasa set, papadala rin ako ng video, wait mo.” 


Feeling namin, ang sinasabing video ay ‘yung viral na umiiyak si Rio at si Ruru ang kayakap niya at humahagod sa likod niya na dapat sana ay trabaho na ng medic para mabigyan ng first aid.


Anyway, maganda at sumagot ang dalawang aktor para iklaro nila ang isyu. 


 


Umapela ang komedyanang si Whitney Tyson, na dalawang taon nang walang trabaho, kay Coco Martin para sana mapabilang siya sa seryeng FPJ’s Batang Quiapo.


Ito ang nabanggit ni Whitney sa panayam sa kanya ni Julius Babao sa Unplugged vlog nito na in-upload sa YouTube last March 7.


Matatandaang kasama si Whitney sa programang FPJ’s Ang Probinsyano sa karakter na Elizabeth na kasambahay ni Presidente Oscar Hidalgo played by Rowell Santiago.


Matagal ding nag-taping si Whitney sa Ang Probinsyano kaya naman ang bahay na tinitirhan nilang mag-ina sa San Jose del Monte, Bulacan ay unti-unti niyang nabayaran at konti na lang daw ang kulang ng komedyana at maaari na niyang makuha ang titulo.


Ipinakita rin ni Whitney kay Julius na hindi pa tapos ang bahay nilang mag-ina dahil kinulang na siya sa budget kaya ito ang pag-iipunan niya kung sakaling may regular siyang trabaho.


“Sa August magda-dalawang taon na akong walang trabaho, mahirap, ang hirap ng naghihintay kung may darating o wala. Kaya sabi ko sa isip ko, itong si Ara (Mina), sa susunod na maubos ‘yung aking gamot, kakausapin ko na siya muna mag-sponsor para may mainom akong gamot na tuluy-tuloy,” napangiting sabi ni Whitney.


Inaabot daw ng dalawang libo ang gastos ni Whitney sa mga gamot niya at ang pinakaimportante ay para sa myoma niya.


Kuwento ni Whitney kay Julius, “Kasi natatakot ako sa dugong lumalabas sa akin, pero sabi naman ng doktora sa PGH nu’ng nagpa-check-up ako ay hindi niya ako ooperahan dahil kapag nag-menopause ako ay titigil naman daw (dugo), basta’t huwag ko lang daw kakalimutang uminom ng gamot ko.”



0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page