RICHARD, OUT NA SA INCOGNITO 2, PINALITAN NI CARLO
- BULGAR

- Aug 15
- 3 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 14, 2026

Photo: IG _richardgutz & _jose_liwanag
Mainit na talakayan sa socmed (social media) ang hindi pagbanggit sa pangalan ni Richard Gutierrez sa Incognito 2 (I2), na ibig sabihin ay hindi siya kasama kahit isa siya sa original cast.
Maraming fans ni Chard ang umaapela na isama raw siya dahil isa ang karakter niyang si JB Bonifacio o code name na ‘Shark’ sa may malaking ambag sa kuwento.
Matatandaang nasulat namin dito sa BULGAR na hindi na kasama ang aktor sa sequel ng programang inabangan mula Aparri hanggang Jolo (pahiram, Eat… Bulaga!), kung saan maging sa ibang bansa ay bukambibig ang Incognito, lalo na ng mahihilig sa aksiyon.
Nabanggit namin sa aming panulat na kaya hindi nakasama si Richard ay dahil nagsimula na siya sa Blood vs. Duty (BVD) noong nabuo ang I2 at hindi naman puwedeng iwan ng aktor ang seryeng kasama si Gerald Anderson dahil silang dalawa ang bida rito.
Sa isang event ay natanong si Richard tungkol sa I2
“Incognito 2? I think they started filming, ‘di ko alam, eh, ‘di ako updated,” kaswal nitong sagot.
Sa pagkakaalam namin ay nabanggit ito noon kay Richard na may part 2 ang programa, pero huli na dahil may iba na siyang ginagawa at hindi puwedeng maghintay ang Star Creatives at Studio Three-Sixty bilang mga producers dahil may sinusunod na timeline, bukod pa sa availability ng mga shooting locations nila tulad ng Tawi-Tawi na inabot sila ng mahigit isang linggo at kababalik lang ng cast nitong Huwebes, Agosto 13.
Nasulat din namin na ang bagong cast sa part 2 ay si Carlo Aquino dahil nakita siya sa Tawi-Tawi airport, bukod kina Daniel Padilla, Kaila Estrada, Anthony Jennings, Maris Racal at Ian Veneracion. Kasama rin pala si Jane Oineza na hindi kaagad namin nakilala noon dahil nakatakip ang mukha.
Base sa nakausap namin tungkol kay Richard, “In fairness kay Richard ay wala s’yang alam na may part 2, nakapagsimula na s’ya ng taping ng Blood vs. Duty nang malaman n’yang may sequel. ‘Di na s’ya makaurong kasi main character s’ya with Gerald (Anderson). ‘Di s’ya puwedeng hintayin kasi may timeline.”
At ngayong tapos na ang BVD, ang gagawin ng aktor, “Magpapahinga muna ako after this (Blood vs. Duty).”
Parang hindi yata nakakapahinga si Chard dahil panay ang larga nila ng girlfriend niyang si Barbie Imperial at dinala siya sa Bicol kung saan nagdiwang ng kaarawan niya ang aktres.
Bago nagtapos ang panayam sa aktor ay may nagsabing vlogger, “Abangan na lang namin (kung ibabalik s’ya).”
“Yeah, abangan nila kung anuman ‘yun,” nakangiting sambit ni Chard.
Sising-sisi na umatras sa kasal kay Edu…
CHERRY PIE, GUSTO NG PART 2, TODO-HIRIT KAY LORD
Inamin ng aktres na si Cherry Pie Picache sa panayam niya sa Unplugged vlog ni Julius Babao na noong magkarelasyon pa sila ni Edu Manzano ay napag-usapan nila ang kasal, lalo’t answered prayer ang aktor para sa kanya.
Pero at that time ay hindi kaagad nakasagot si Cherry Pie dahil may agam-agam pa, na base sa sagot niyang, “Kasi that’s marriage. I’ve never been married, so give me more time, let’s take our time.”
At biro ni Julius, “Pinatagal mo pa kasi.”
Sabi ni Pie kay Julius, “Sabi ko dati na ‘yung kay Edu, answered prayer? Kasi ano pang hahanapin mo, ang guwapo, matipuno, maayos, edukado, napakabait na tao. Sabi ko nga, ‘answered prayer’, but I think God has other plans.”
Tumawang hirit ni Julius, “‘Yan na naman si God, nakialam na naman sa buhay mo. Okay?”
At dahil ilang taon na ring single si Cherry Pie, sabi nito, “Sabi ko (ngayon), ‘God, puwedeng take 2?’”
“Bakit, sabi mo, ideal guy, answered prayer, what happened, bakit naging ganu’n?” tanong pa sa kanya.
“‘Di siguro meant,” mabilis na sagot ng aktres.
Noong una ay okay lang na walang partner ang aktres dahil abala naman siya sa kaliwa’t kanang trabaho, pero ngayon ay natapos na itong lahat.
“Ngayon, medyo naisisingit-singit ko (natatawa) ‘yung ‘Lord, medyo napapagod na akong mag-isa. Hahaha!’” sey ng aktres.
Ang requirement ni Cherry Pie sa magiging partner-to-be niya ay sana older sa kanya para stable na at hindi ‘yung marami pang gustong gawin sa buhay.
“Gusto ko kasi ‘yung tahimik lang kami, travelling, ganu’n. ‘Yung life namin, sana ay compatible. I mean ngayon at my age, parang ang gusto ko na lang, ‘yung kayo lang dalawa na enjoy life, tatawa kayo, magkukulitan kayo, you can talk kahit kayo lang dalawa without anybody,” sey ni Cherry Pie.
Nabanggit din nitong mas gusto niya ang Pinoy para pareho ang kultura, lalo’t malapit siya sa family.
“I’m manifesting, manifesting,” kaswal na sabi ng aktres.





Comments