Naka-3 GF lang naman daw… “HINDI TALAGA AKO BABAERO” — RYAN BANG

ni Mercy Lejarde @Talkies | October 8, 2026

Photo: IG _ryanbang
“Hindi talaga ako babaero,” ito ang paglilinaw ng It’s Showtime (IS) host na si Ryan Bang sa kanyang YouTube (YT) channel matapos siyang tanungin ng kanyang Korean best friend na si Willy Song kung babaero ba siya.
“Alam mo, Willy, sa inyo, promise, ha, since first girlfriend ko hanggang ngayon, eh, tatlo lang naging girlfriends ko after 18 years old. O, paano naging babaero du’n? Saan nila ako nakita? May kasama ba ako na babae? Eh, kayo lang laging kasama ko,” paliwanag ni Ryan.
Napag-usapan din nila kung may nasaktan na ba nang pisikal si Ryan.
“May nasaktan ka na ba?” tanong ni Willy.
“Nasaktan? Alam n’yo kailan ako nandito? Twenty-one years na ako rito. (Year) 2005, October 20. Kahit ‘yung away sa high school, physical na nanakit, never. Kahit anong edad ko, high school, nu’ng bata, kahit sa Korea at hanggang ngayon na 35 na ako, ‘yung nanakit talaga physically kahit sino, kahit anong gender, lalaki o LGBTQ, lalo na babae, never ako talaga,” paliwanag ni Ryan.
“‘Di naman ako lumaki sa nanay ko. ‘Yung nanay ko, nasa Korea, strict ‘yun, eh. Diyos ko, ‘di ako ganu’n. Hindi naman ako nanakit,” dagdag pa niya.
Nilinaw naman ni Willy na galing online ang tanong at hindi siya mismo ang nagtatanong.
“Sino ‘yan? Ha? Grabe naman. Sino ‘yan? Tanungin n’yo lahat ‘yung mga kasama ko sa bahay,” sabi pa ni Ryan.
“Okay, move on na tayo?” komento naman ni Willy.
Samantala, hindi nakaligtas si Ryan sa usaping-pag-ibig nang tanungin siya kung nagkakausap pa ba sila ng kanyang mga ex.
“Nag-uusap pa ba kayo ng mga ex mo?” tanong ni Willy.
“Akala ko ba move on na? ‘Di ka pa move on,” natatawang sagot ni Ryan.
Gayunman, sinabi ni Ryan na binabati pa rin niya ang kanyang mga naging GF tuwing Pasko.
“Sa lahat ng ex ko, babatiin ko kayo ng Merry Christmas,” ani Ryan.
Pero hindi na raw siya basta nagme-message sa mga ito, lalo na kung may sarili na silang pamilya o relasyon.
“Honestly, ‘di kasi s’yempre, inirerespeto ko ‘yung iba, may asawa na. Ang pangit ko naman, mine-message ko pa, ‘Kumusta ka na?’ Tapos, ‘yung iba, baka may boyfriend na, may bagong relationship,” paliwanag niya.
“Ayoko naman, ‘di ako ganu’n. Dito po ako lumaki sa Pilipinas. So, marunong ako kung paano rumespeto,” dagdag ni Ryan.
Okay naman daw siya sa mga naging bahagi ng buhay ng kanyang mga ex, kabilang ang kanilang mga magulang.
“Pero s’yempre, ‘yung mga naging tita ko, tito ko, ‘yung mga magulang, hanggang ngayon, okay kami,” aniya.
Para kay Ryan, tapos na ang dapat tapusin at wala na siyang balak pang pilitin ang mga bagay na hindi na para sa kanya.
“Ah, pero ‘yung mga ex, ‘di ko naman sila mine-message kasi inirerespeto ko. Baka wala, eh, tapos na, eh. Ano’ng magagawa ko? Ayaw ng tadhana, ‘di ba? Ayaw ko ring mapilit,” saad niya.
Sa kabila ng mga pinagdaanan, grateful pa rin daw siya dahil marami siyang natutunan sa kanyang mga naging relasyon.
“So, ayoko naman. Baka may better person. But grateful naman ako s’yempre, ang dami kong natutunan. S’yempre, naging mature ako,” sabi ni Ryan.
Aminado rin si Ryan na umiiwas siya sa mga guesting kung saan posibleng mapag-usapan pa ang kanyang mga nakaraan.
Well, Ryan, baka panahon na rin para sa bagong chapter ng love life. ‘Di ba?
Pak, ganern!





Comments