top of page

Richard Gomez sa pelikula lang mabait, pero sa totoong buhay, kontrabida?!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG KINONTEMPT NOON NG SENADO SI MARIA CATALINA CABRAL, MALAMANG AY BUHAY PA SIYA — Ayon kay Senate President Pro Tempore Ping Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, malaking dagok sa imbestigasyon sa flood control scandal ang pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Maria Catalina Cabral, dahil marami raw itong nalalaman tungkol sa iba pang sangkot sa anomalya sa mga flood control projects.


Totoo namang marami talagang alam si Cabral hinggil sa talamak na korupsiyon sa DPWH. Gayunman, sa kabila ng matinding pagtatanong ng mga senador, hindi ito napaamin.


Kung kinontempt sana noon ng komite ni Sen. Lacson si Cabral at malinaw na ipinaalam na palalayain lamang siya kapag nagsabi na ng buong katotohanan, maaaring nabunyag na ang lahat ng sangkot sa flood control scandal—at malamang, buhay pa siya ngayon. Period!


XXX


HINDI LANG DAPAT KORUPSIYON SA DPWH ANG IMBESTIGAHAN, DAPAT ISABAY NA RIN ANG MGA KATIWALIAN SA BIR, CUSTOMS AT DOH – Maraming ahensya ng pamahalaan ang talamak sa korupsiyon, ngunit apat ang itinuturing na pinakagrabe—ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), at Department of Health (DOH).


Dapat ay sabay-sabay na isinasailalim ng pamahalaan sa imbestigasyon ang talamak na katiwalian sa BIR, Customs, at DOH. Kung hihintayin pang matapos ang imbestigasyon sa korupsiyon sa DPWH bago simulan ang pagsisiyasat sa iba pang ahensya, malaki ang posibilidad na magtatapos na ang termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa Mayo 30, 2028, nang hindi pa man nasisimulan ang imbestigasyon sa mga anomalya sa tatlong ahensya ng pamahalaan.


XXX


DAPAT MAGPALABAS ULI NG DIREKTIBA SI PBBM NA NAG-OOBLIGA SA LAHAT NG GOV'T. OFFICIALS NA MAGPASAILALIM SA LIFESTYLE CHECK SA OMBUDSMAN – Noong Agosto 28, 2025, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang pagsasagawa ng lifestyle check sa lahat ng ahensya ng pamahalaan. Gayunman, mga opisyal lamang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isinailalim dito, habang ang iba pang tanggapan ng gobyerno ay hindi tumugon.


Dahil dito, nararapat lamang na magpalabas muli si PBBM ng isang malinaw at mahigpit na direktiba na nag-oobliga sa lahat ng opisyal ng mga ahensya ng pamahalaan na sumailalim sa lifestyle check ng Office of the Ombudsman. Sa totoo lang, sa pamamagitan ng lifestyle check madaling mabubukod kung sino ang kurakot at kung sino ang matino sa gobyerno. Period!


XXX


RICHARD GOMEZ, SA PELIKULA LANG KINIKILALANG BIDA, PERO SA TUNAY NA BUHAY, KONTRABIDA TINGIN SA KANYA NG PUBLIKO – Hanggang ngayon ay patuloy na pinuputakti ng batikos ang actor-turned politician na si Leyte 4th District Rep. Richard “Goma” Gomez dahil sa umano’y pambabatok niya kay Rene Gacuma, 68-anyos, pangulo ng Philippine Fencing Association (PFA).


Nag-ugat ang insidente sa isyung hindi umano pinayagang makalaro ng PFA ang isang atletang “minamanok” ni Cong. Gomez sa isang fencing event ng Southeast Asian (SEA) Games na ginanap sa Thailand noong Disyembre 16, 2025.


Dahil sa pananakit na ito laban sa isang senior citizen, maraming netizens ang nagsabing sa pelikula lamang nagiging bida si Richard Gomez, ngunit sa tunay na buhay ay isa siyang kontrabida. Boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page