Riboflavin deficiency at ang epekto nito sa kalusugan
- BULGAR
- 3 hours ago
- 3 min read
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | February 9, 2026

Photo File
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang university student at kasalukuyang nanunuluyan at isang bedspacer sa isang pribadong bahay malapit sa aming paaralan. Dahil sa aking kalagayan, madalas na kumakain na lamang ako sa mga fast food stores.
Sa ikalawang taon ng aking pag-aaral, nakaranas ako ng iba't ibang uri ng mga sintomas katulad ng pamamaga ng dila, mga singaw sa bibig at palagian na pangangati at pagluluha ng aking mga mata.
Ayon sa aking ka-eskwela na nagmi-major sa Nutrition, maari itong sintomas ng Riboflavin vitamin deficiency. Ano ba ang Riboflavin vitamin? Ano anong uri ng pagkain ang mayroon o mayaman sa Riboflavin? At anu-anong dahilan ng kakulangan ng Riboflavin? May sakit ba na maiiwasan kung regular na iinom ng Riboflavin vitamin?
Sana ay makarating sa inyo ang liham na ito at masagot ang aking mga katanungan.
— Josephine
Maraming salamat Josephine sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at sa pagbabasa ng BULGAR newspaper.
Ang Riboflavin ay isang uri ng water soluble vitamin na kabilang sa mga Vitamin B. Ito ay karaniwan na tinatawag na Vitamin B2. Kaunti lamang ang Vitamin B2 sa ating katawan at dahil sa ginagamit ng ating katawan ang Vitamin B2 sa pag-breakdown ng carbohydrate, protina at fats mula sa ating pagkain upang makagawa ng energy, mabilis na nauubos ang supply ng Vitamin B2 sa ating katawan. Dahil dito, kinakailangan natin na magkaroon ng regular na supply ng Vitamin B2 mula sa pagkain o pag inom ng supplements.
Kailangan natin ang mga iba’t ibang uri ng Vitamin B upang mapanatili ang kalusugan ng ating katawan, kabilang na ang ating digestive system, liver, mga mata, nerves, muscles at skin. Kailangan din ito sa paggawa ng hormones ng ating adrenal glands.
Naniniwala ang mga dalubhasa na maaring maka-prevent ng cataracts at migraine headache ang Vitamin B2. Maaari rin itong makatulong sa mga may autism kasama ng Vitamin B6 at Magnesium.
Saan naman tayo makakakuha ng Vitamin B2? Ang itlog, karne ng manok at baka partikular ang kidneys at atay mula dito ay mayaman sa Vitamin B2. May Vitamin B2 din ang asparagus, parsley, broccoli, spinach, mushroom, sweet potato, nuts at mga beans. Ang pag-steam o microwave ay mabisang paraan ng pagluluto upang mas maraming Vitamin B2 ang makuha sa mga nabanggit na pagkain.
Ayon sa Food and Nutrition Board ng bansang Amerika, kinakailangan natin ng 1 mg hanggang 1.3 mg ng Vitamin B2 araw-araw. Tumataas ang Recommended Daily Allowance (RDA) sa mga nagbubuntis at mga nursing mothers.
Maaaring ang mga sintomas na iyong nararanasan ay dahilan sa kakulangan ng Vitamin B2 o tinatawag na ariboflavinosis. Bukod sa iyong nararanasan, maaring magkaroon ng hair loss at sore throat. Maaari ring magkaroon ng cataract at anemia kung matagal ng may kakulangan sa Vitamin B2. Makakabuti na kumonsulta agad sa isang doktor upang malaman ang kalagayan ng iyong kalusugan. Maaaring may ibang sakit bukod sa kakulangan ng Vitamin B2.
Ang Vitamin B2 deficiency ay maaring dahil sa kakulangan ng Vitamin B2 mula sa kinakaing pagkain. Maari rin na ito ay dahil sa riboflavin transporter deficiency na mula sa genetic mutation at karaniwang nagmamanifest sa mga kabataan.
Makakatulong ba ang pag inom ng Vitamin B supplement o pagkain ng may sapat na Vitamin B2 upang makaiwas sa cancer? Ayon sa Melbourne Collaborative Cohort Study, isang prospective study kung saan pinag-aralan ang mahigit sa 41,000 na indibidwal, mas mababa ang risk na magkaroon ng lung cancer ang mga current smokers na sapat ang intake ng Vitamin B2.
Sa Women’s Health Initiative Observational Study, mas mababa ang risk na magkaroon ng colorectal cancer ang sapat ang intake ng Vitamin B2. Kasama sa pag-aaral na ito ang mahigit sa 88,000 na post-menopausal women.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com




