Resulta ng halalan ‘pag may dagdag-bawas, mga botante may agam-agam
- BULGAR

- May 15, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 15, 2025

Natapos na rin ang 2025 midterm elections at marami sa atin ang naghihintay ng resulta kung sinu-sinong mga kandidato ang idedeklarang nanalo at mauupo sa puwesto. Subalit, kung may mga kinakaharap na kaso ang ilang kandidato, makatarungan bang iproklama sila kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon?
Ito ang mahigpit na tinitindigan ng Commission on Elections (Comelec) makaraang ipag-utos na suspendihin ang proklamasyon ng 19 na lokal na kandidato at isang partylist group sakaling manalo sila sa katatapos na midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, ang hakbang na ito ay bunga ng mga kasong inihain laban sa mga nasabing kandidato na kasalukuyang dinidinig pa ng poll body.
Kinumpirma naman ni Garcia na pinayagan ng Commission en banc ang pagpapalabas ng 19 orders of suspension.
Sa magkahiwalay na desisyon ng Commission en banc, 1st at 2nd Divisions, hindi makakapagsilbi ang mga kandidato sa kani-kanilang posisyon hangga’t hindi nareresolba ang kanilang mga nakabinbing kaso.
Ang mga inihaing kaso ay kinabibilangan ng umano’y poll violations at iba pang isyung nakaapekto sa pagiging kuwalipikado ng kandidato.
Gayundin, nanindigan ang Comelec na kailangang ipagpaliban ang proklamasyon hangga’t hindi ito nareresolba, habang inilabas na rin ng poll body ang mga pangalan ng mga naturang kandidato.
Anila, mas makabubuting tiyakin munang malinaw at legal ang kalagayan ng isang kandidato bago ito opisyal na ideklarang panalo.
Ang hakbang na ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng integridad sa proseso ng halalan. Hindi lamang ito tungkol sa dami ng boto kundi sa pagiging karapat-dapat ng isang kandidato sa posisyon. Maaaring masira ang tiwala ng taumbayan sa buong sistema kung ipagpapatuloy ang proklamasyon ng kandidatong may kinahaharap pang usapin sa batas.
Marahil ang desisyong ito ng Comelec ay makatuwiran at kinakailangan. Sa kasalukuyang panahon kung saan lumalala ang disinformation at tiwaling pamumuno, mahalagang patunayan ng mga institusyon na may kakayahan silang panindigan ang tama at makataong pamantayan. ‘Wag nating kalimutan — ang posisyon sa gobyerno ay hindi premyo kundi isang responsibilidad. Hindi rin ito tungkol sa kung sino ang nanalo sa halalan, bagkus kung sino ang tunay at karapat-dapat.
At para makamit ‘yun, kailangang tiyakin ng bawat ahensya na ang tagumpay ng isang kandidato ay nakabatay sa katotohanan, batas, at moralidad — hindi lamang sa dami ng boto. Sa ganitong paraan lang natin maipapakita na ang demokrasya ay gumagana, at ang hustisya ay umiiral para sa lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments