top of page

Responsibilidad ng may-ari ng bahay at puno kung ito ay posibleng magdulot ng panganib

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 17, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 17, 2021



Dear Chief Acosta,

Mayroon kaming katabing bahay na napaglumaan na ng panahon. Marupok na ang pader at ang puno sa loob ng lote ay malalaki na ang mga sanga at mukhang babagsak na rin. Hindi na ito name-maintain ng may-ari mula nang lumipat sila sa Maynila. Ngayon ay nangangamba kami ng aking pamilya na bigla na lamang bumagsak ang pader at ang mga sanga ng kanilang puno kapag dumating na ang tag-ulan. Maaari ba naming igiit sa may-ari na ayusin o tanggalin ang mga posibleng panganib na ito? Responsibilidad ba nila iyon kahit hindi na sila nakatira mismo roon? – Tony


Dear Tony,

Ang pagkakaroon ng ari-arian ay mayroong kaakibat na obligasyon sa may-ari nito. Sa ilalim ng ating batas, nananatiling pangunahing obligasyon ng may-ari ang pagpapagawa o pagpapaayos ng kanyang gusali, pader at iba pang bagay na kanyang ipinatayo, kabilang na ang malalaking punong nakatanim sa kanyang lupa. Malinaw na nakasaad sa Article 482 at 483 ng New Civil Code of the Philippines ang sumusunod:


“Art. 482. If a building, wall, column, or any other construction is in danger of falling; the owner shall be obliged to demolish it or to execute the necessary work in order to prevent it from falling.


If the proprietor does not comply with this obligation, the administrative authorities may order the demolition of the structure at the expense of the owner, or take measures to insure public safety.


Art. 483. Whenever a large tree threatens to fall in such a way as to cause damage to the land or tenement of another or to travelers over a public or private road, the owner of the tree shall be obliged to fell and remove it; and should he not do so, it shall be done at his expense by order of the administrative authorities.”


Kung kaya’t maaari ninyong hilingin sa inyong kapitbahay na ayusin o tanggalin ang mga posibleng magdulot ng panganib na matatagpuan o nasa loob ng kanyang ari-arian. Kung hindi niya ito gagawin ay maaari itong ipatanggal at sasagutin niya ang anumang magiging kaugnay na gastusin.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

1 Comment


Manny Escalante
Manny Escalante
Oct 29, 2022

Punong mangga ng aming kapitbahay ay bumagsak sa aming bakuran dahil sa bagyo at napinsala ang aking sasakyan at bubong ng aming simbahan, ano po ang pananagutan ng may-ari ng puno kung meron man?

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page