Responsibilidad at karapatang ng bawat sangguniang baranggay
- BULGAR

- Sep 20, 2020
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 20, 2020
Ang Sangguniang Barangay bilang local legislative body ng barangay ay may karapatan at obligasyon tulad ng mga sumusunod:
Magsagawa ng ordinansa (ordinance) na kinakailangan upang maisagawa ng responsibilidad na iniatas ng batas o ordinansa at upang isulong ang kapakanan ng lahat ng mga mamamayan sa loob ng barangay;
Magsagawa ng mga ordinansa tungkol sa pagbubuwis sang-ayon sa limitasyon na nakapaloob sa probisyon ng Local Government Code;
Magsagawa ng taunan at supplemental budget sang-ayon sa probisyon ng Local Government Code;
Maglaan para sa pagpapagawa at pagpapanatili ng mga pasilidad ng barangay at iba pang pampublikong proyekto na kukunin mula sa general funds ng barangay;
Magsumite sa Sangguniang Panlungsod o Sangguninag Bayan ng suhestiyon o rekomendasyon para sa ikabubuti at ikauunlad ng barangay na kanilang nasasakupan at para sa kapakanan ng mga taong nasasakupan nila;
Tumulong at gumabay sa pagtatag ng mga establisimyento, organisasyon at pagpapalakas ng mga kooperatiba sa barangay na maaaring magpaganda sa kondisyong pang-ekomomiya ng mamamayan sa barangay;
Bigyan ng regulasyon ang paggamit ng mga multi-purpose halls, pavements, grain/copra dryers at ng iba pang post-harvest facilities, barangay waterworks, barangay markets, parking areas, at ng iba pang pasilidad na naisagawa gamit ang kaban ng gobyerno sa loob ng hurisdiksiyon ng barangay at magpabayad ng halaga para sa pagpapagamit ng mga ito;
Maglikom o tumanggap ng pera, materyales o boluntaryong trabaho para sa gawaing pampubliko o kooperatiba mula sa mga residente, nagmamay-ari ng lupa, producers at mangangalakal ng nasabing barangay; pera mula sa mga grants-in-aid subsidies, kontribusyon o mula sa national, provincial, city o municipal funds; at iba pang pera mula sa mga pribadong ahensiya at indibidwal. Kinakailangan lamang na ang mga pera o ari-arian na ipinamahagi o donasyon ng mga pribadong ahensiya at indibidwal para sa mga partikular na layunin ay ilalagay sa trust fund ng barangay;
Magbigay ng kompensasyon at rasonableng allowance o per diems at gastusin para sa pagbyahe ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay at ng iba pang opisyales ng barangay sang-ayon sa limitasyon ng budget na itinalaga sa Title V, Book II ng Local Government Code of 1991. Subalit walang pagtaas ng allowance o kompensasyon o honoraria para sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ang magiging epektibo hanggang sa matapos ang buong termino ng lahat ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay na nag-apruba ng nasabing pagtaas;
Magsagawa ng mga remedyo upang maiwasan at makontrol ang pagdami ng mga squatters at mahihirap sa barangay;
May karapatan ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay na tumanggap ng honoraria, allowance at iba pang emoluments na pinapayagan ng batas o ordinansa ng barangay batay sa probisyon ng Local Government Code. Ang mga nabanggit na benepisyo ay hindi dapat bababa sa P600 para sa bawat miyembro ng Sangguniang Barangay;
Ang bawat miyembro ng Sangguniang Barangay ay may karapatan din na makatanggap ng Christmas Bonus na humigit kumulang sa P1,000;
Bukod sa kompensasyon o allowance, may karapatan din ang bawat miyembro ng Sangguniang Barangay na magkaroon ng libreng medical care kabilang ang gamot at pagpapagamot sa mga pampublikong ospital. Sakop sa nasabing hospital care, ang operasyon at gastusin sa pagpapa-opera, gamot, x-rays, laboratory fees at ang iba pang gastusing pang-ospital. Sa mga pagkakataon ng matinding pangangailangan sa madaliang pagkilos at walang pampublikong ospital o institusyon, ang opisyal ng barangay ay maaaring magpunta sa pinakamalapit na pribadong klinika, ospital o institusyon at ang mga gugugulin sa nasabing klinika o ospital na hindi hihigit sa P5,000 ay maaaring kunin sa pondo ng barangay kung saan ang nasabing opisyal ng barangay ay naglilingkod;
Karapatang makatanggap ng libreng matrikula para sa kanilang mga lehitimong anak na nag-aaral sa mga state universities o colleges na nasa probinsya o siyudad kung nasaan ang barangay sa panahon ng panunungkulan ng mga nabanggit na opisyal ng barangay.




Comments