Respeto sa mga nagpapahinga, madaling-araw at hatinggabing kampanyahan, stop!
- BULGAR

- Apr 11, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 11, 2025

Sa panahon ng eleksyon, hindi maiiwasan ang mga ingay at abala ng mga kandidato na nagsasagawa ng kanilang kampanya. Ngunit may mga pagkakataon na ang pamamaraan ng pangangampanya ay nakakagambala na sa ating pang-araw-araw na buhay.
Isa na rito ang mga campaign jingles na ang lalakas ng tunog, kaya paano pa kung maririnig mo ito ng madaling araw. Hindi ba’t may hangganan naman ang kanilang karapatan sa pangangampanya? Hindi ba’t may karapatan din ang bawat isa na makapagpahinga ng tahimik, nang hindi naiistorbo?Kaya nitong Huwebes, nagbigay ng babala ang Commission on Elections (Comelec) tungkol sa mga kandidato na patuloy na nagpapatugtog ng malalakas na campaign jingles sa mga kalsada tuwing madaling-araw at hatinggabi.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, ipinagbabawal ng Comelec ang ganitong uri ng pangangampanya sa ganyang mga oras, dahil ito ay pagsuway sa mga alituntunin ng ahensya.
Pinuna rin niya ang campaign jingles na naririnig ng alas-dos o alas-tres ng umaga.
Aniya, dapat nirerespeto ng mga kandidato ang karapatan ng mga mamamayan na makapagpahinga at matulog.Nabanggit din ni Garcia ang mga hakbang na ginagawa ng Comelec laban sa mga lumalabag sa regulasyon.
Sa mga nakaraang linggo, nagbigay ang Comelec ng “show cause orders” sa mga kandidato na hindi sumusunod sa mga patakaran ng kampanya, partikular na sa paggamit ng malalakas na tunog sa mga hindi tamang oras.
Hinikayat din ng opisyal ang mga kandidato na mas maging responsable sa kanilang pangangampanya at tiyakin na hindi nila nilalakasan ang tunog lalo na kapag gabi na.Sa huli, dapat maging maingat ang mga kandidato sa pamamaraang ginagamit nila sa pangangampanya dahil hindi lamang tungkol sa pagpapakita ng suporta, kundi pati na rin sa pagkakaroon ng respeto sa mga mamamayan.
Sa panahon ng halalan, mahalagang maipakita ng mga kandidato ang disiplina, hindi lamang sa pamamagitan ng tarpulin at jingles, maging sa oras at lugar ng pangangampanya, upang matiyak na ang bawat isa sa atin ay hindi naaabala, nakakapagpahinga nang maayos, habang naghahangad ng mapayapang eleksyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments