Resolbahin muna ang gusot at problema sa cashless payment system bago ilarga!
- BULGAR

- Dec 12, 2020
- 1 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | December 12, 2020
Sinuspinde na ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang operasyon ng NLEX Corp., ang nagpapatako ng tollways sa NLEX dahil sa kaguluhang nagaganap bunsod ng mga problema sa cashless payment system. Nagdulot ng nakakatuyong-dugong trapik sa mga tollways dahil sa iba’t ibang problema, tulad ng hindi mabasang RFID, may nawawalan pa ng load at marami pa ang hindi makakuha ng sticker. Kaya nang hindi na nakatiis ang alkalde, sinuspinde na ang kanilang operasyon. Ibig sabihin, libre na muna dumaan sa NLEX habang inaayos pa ang mga gusot at problema.
Nais naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na magbitiw sa tungkulin ang pinuno ng Toll Regulatory Board (TRB) dahil sa gulong idinulot ng kanilang pagpapatupad ng cashless payment system. Mukhang hindi nga pinag-aralan nang mabuti ang mga magiging problema kung masyadong minadali ang pagpapatupad ng sistema. Dapat nagbigay ng mas mahabang panahon, imbes na ginulat ang mamamayan na ipatutupad ito ngayong Disyembre.
Wala namang sistema ang hindi nagkakaproblema. Kailangan lang intindihin ng DOTr na hindi puwedeng madaliin ang cashless payment system, lalo pa ngayon. Hindi lahat ng tao ay handa o nais pumila para lang makakuha ng mga aparatong ‘yan. DOTr, TRB at NLEX pati na rin ang SLEX dapat siguraduhin munang walang malalaking problema bago ipatupad ang cashless payment system. Kung mamadaliin at tatakutin pa ang mamamayan ng multa, ganyan talaga ang magiging resulta.





Comments