Repormang pangkalusugan, isulong para sa mas maayos na serbisyo sa mahihirap
- BULGAR

- 47 minutes ago
- 3 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 21, 2025

Bilang Vice Chairman ng Senate Committee on Health, inihayag natin sa deliberasyon ng Senado para sa 2026 national budget ang ating suporta para sa panukalang pondo ng Department of Health nitong November 17. Pero binigyang-diin ko ang malaki pa ring kakulangan lalo na sa hangarin natin na zero-balance billing. Bilang isang health reforms crusader ay matagal na nating mithiin ito para sa lahat ng mga pasyente, hindi lamang sa mga naka-admit sa charity ward.
Patuloy din nating babantayan ang pondo ng PhilHealth ngayong plano nang ibalik sa susunod na taon ang PhP60 billion excess funds nito noong 2024. Tinutulan natin noon ang posibleng pagkakagamit ng sobrang pondo ng PhilHealth sa mga non-health related projects. Sana hindi na ito maulit. Ang pondo ng PhilHealth ay dapat gamitin lamang sa health!
Binigyang-diin ko rin ang mabagal na pagpapatupad ng Super Health Centers program ng DOH. Sa 800 na target, 200 lang ang operational at marami ang hindi nagagamit o hindi pa tapos. Nananawagan ako sa DOH na makipagtulungan sa mga LGUs para maging operational ang mga ito at siguruhin na hindi sila maging “white elephant.”
Tulungan dapat ng DOH ang mga LGUs sa pag-deploy ng personnel para mapakinabangan ang Super Health Centers. Maganda ang layunin ng mga ito lalo na para sa mga mahihirap nating kapwa na nasa malalayong lugar. Ang Super Health Centers ay naaayon din sa Universal Health Care Law bilang primary health facility.
Hindi tayo titigil sa panawagan natin sa DOH na ayusin ang pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan, siguraduhing tama ang paggamit ng pondo, at unahin ang mga pasyente. Patuloy kong isusulong ang mga repormang pangkalusugan para sa mas maayos na serbisyo lalo na sa mahihirap nating kapwa Pilipino.
Samantala, noong nakaraang linggo, bumisita ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang kababayan na nangangailangan, kasama na ang mga biktima ng Bagyong Tino sa San Jose, Basilisa, Tubajon, Libjo, Dinagat, Cagdianao, at Loreto sa Dinagat Islands; sa Consolacion, Liloan, Compostela, Danao City, Naga City, Balamban, Toledo City, Poro, Tudela, San Francisco, at Pilar, sa lalawigan ng Cebu; sa Binalbagan, San Enrique, Pontevedra, Hinigaran at La Castellana, Negros Occidental; at sa San Ricardo, St. Bernard, Bontoc, Padre Burgos, Pintuyan, Limasawa, Tomas Oppus at Hinunangan sa Southern Leyte.
Tinulungan din natin ang mga biktima ng Bagyong Uwan sa Hermosa, Bataan; sa Baler, Casiguran, Dilasag, Dinalungan, Dingalan, Dipaculao, Maria Aurora, at San Luis sa Aurora; at sa Virac, Pandan, Baras sa Catanduanes.
Tumulong din tayo sa mga biktima ng sunog sa Davao City, at Baclaran, Parañaque City. Nag-abot din tayo ng tulong sa ilang maliliit na negosyante sa Dapa, Siargao Island at Surigao City sa Surigao del Norte; at sa Valencia, Bohol.
Naimbita rin tayo sa KATuwang sa Kalusugan Karavan sa Obando, Bulacan at sa pamamahagi ng mga iskolarship sa Scientia Vox Mantrade Institute sa Taal, Batangas; sa Mati City, Davao Oriental; at Bataan Peninsula State University.
Sa pagpapatuloy ng Senate deliberations para sa pambansang budget, ipaglalaban natin na talagang mapapakinabangan ng taumbayan ang pondo ng gobyerno. I am one with the Filipinos in this fight and crusade against corruption. Dapat mapanagot ang mga tunay na mastermind ng malawakang korapsyon. Just seek the truth. Huwag ilihis ang katotohanan. Tumbukin at mapanagot ang mga corrupt.
Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.








Comments