top of page

Rekomendasyon ng PROTECT Committee: Dagdag-tulong pinansyal tuwing tumataas ang presyo ng bilihin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 23, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Isa sa mga epekto ng krisis sa Middle East ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na may epekto din sa presyo ng mga pangunahing bilihin.


Nitong nakaraang Marso, umabot sa 4.1% ang naitalang inflation sa ating bansa, mas mataas sa 2.4% na naitala noong Pebrero.


Batay sa pagsusuri ng Senate Economic Planning Office, tinatayang aabot sa hanggang P1,151 ang mawawala sa purchasing power ng mga itinuturing na poor households.


Nakakabahala ito dahil tuwing tumataas ang presyo ng bilihin, ang mga pamilyang may mas mababang kita ay napipilitang gumawa ng mga hakbang tulad ng pagbabawas ng budget sa pagkain, pagpapaliban ng edukasyon ng mga anak, o pagtitipid sa mga pangangailangang pangkalusugan.


Patuloy na binabantayan ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee ang sitwasyon sa Gitnang Silangan, at patuloy din nating isinusulong ang mga polisiyang magtataguyod sa kapakanan ng ating mga kababayang nangangailangan, kabilang ang mga sektor na nakaranas ng pinakamatinding pinsala.


Sa preliminary report ng PROTECT Committee, isa sa mga iminungkahi nating hakbang ay ang pagsasabatas o pagiging institusyonado ng “automatic inflation-triggered funding,” kung saan agad madadagdagan ang tulong pinansyal na ating ipapamahagi sa ilalim ng mga social assistance programs tuwing aabot sa kritikal na antas ang presyo ng mga bilihin, pamasahe, at utilities tulad ng kuryente at tubig.


Sa ilalim ng ating panukala, agad makakatanggap ng top-up o karagdagang cash assistance ang kasalukuyang mga benepisyaryo ng mga social assistance programs—-kagaya ng mga nasa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Maaaring ibigay ang dagdag tulong pinansyal sa loob ng panahong itatakda ng batas. Halimbawa, maaaring itakda na ipapamahagi ang dagdag tulong na ito sa loob ng tatlong buwan.


Ngunit ipapamahagi lamang ang dagdang-tulong kung mangyari ang mga sitwasyong ito: lumampas sa 4% ang headline inflation; lumagpas sa 5% ang food inflation o pagtaas ng presyo ng pagkain; mabilis na pagtaas ng presyo ng krudo na nagtutulak, halimbawa, sa pangkalahatang inflation nang hindi bababa sa one percentage point sa loob ng isang buwan; o kaya naman ay tumaas ng P10 kada litro sa loob ng isang buwan ang presyo ng krudo.


Mahalaga ang pagiging insitusyonado ng ganitong mga polisiya, lalo na’t hindi natin maaaring sayangin ang panahon upang tulungan ang ating mga kababayan sa gitna ng isang krisis. Kung may mekanismo tayo upang agad na makakapagpamahagi ng dagdag tulong sa mga kababayan nating nangangailangan sa gitna ng isang krisis, hindi na natin kakailanganin maghintay pa ng bagong programa o bagong pag-apruba. Mabilis makakarating ang tulong sa ating mga kababayan.


Gayunpaman, patuloy nating tutukan ang krisis sa Gitnang Silangan at ang mga epekto nito sa ating mga kababayan. Patuloy nating isusulong ang mga programa at mga polisiya upang maitawid ang ating mga kababayan sa krisis na ito at tulungan silang makabangon.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page