top of page

QUEENAY, 'DI MAKAPANIWALA NA NAKASAMA NA SI JOSHUA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 25, 2023
  • 2 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | September 25, 2023



Ang saya-saya ng kilalang TikToker at content creator na si Queenay Mercado sa ginanap na Fruitcake mediacon nu'ng Sabado nang hapon sa KAO Manila, Newport Mall, Newport World Resorts dahil nakatrabaho na niya ang super crush niyang si Joshua Garcia.


Dalawang beses na naming nakapanayam si Queenay, sa presscon ng Puregold's online series na 52 weeks umere kasama si Jin Macapagal, at sa ineendorso niyang beauty product na Jullien Skin.


Lagi niyang sinasabi na pangarap niyang makilala at makatrabaho ang kababayan niyang Batangueño na si Joshua Garcia.


At tinupad ng universe ang pangarap niya dahil heto, magkasama sila sa pelikulang Fruitcake na intended for 2023 Metro Manila Film Festival, na sana ay mapasama sa natitirang Final 4 mula sa direksiyon ni Joel Ferrer at katuwang niyang sumulat ng script si Direk Miko Livelo for Cornerstone Studios at Create Cinema.


Masayang sabi ni Queenay, “Sa totoo lang po, hanggang ngayon ay hindi pa rin po ako makapaniwala. Sobrang natutuwa po ako at siyempre, ngayon po na nakikita ko na siya nang personal, sobrang hindi ko maipaliwanag.”


Dagdag pa niya, “Na-star struck ako. Sobrang masayang-masaya ako dahil ‘yung kababayan ko, nakita ko na nang personal ngayon at bonus na naging parte pa ako ng Fruitcake.”


Sa tanong kung ano ang naging experiences niya habang isinu-shoot ang Fruitcake, aniya, “Sa totoo lang po, siyempre, sobrang nao-overwhelm po ako. Kasi, panibagong blessing na naman na ibinigay sa akin ni Lord.


“And mapabilang dito sa cast ng Fruitcake, sobrang nagpapasalamat po ako sa Cornerstone, and siyempre, kay Direk Joel (Ferrer). Maraming salamat po sa opportunity.


“Kasi talagang dating-dati pa lang, nangangarap lang ako noong bata pa na sana, makita ako sa ganyang movie dahil nanonood din lang naman ako ng movie before.


“Pero ngayon, eto na, nandito na ako, part na ako ng isang movie at sobrang masayang-masaya po ako,” kuwento ng dalagang Batangueña.


Gagampanan ni Queenay ang karakter na Vicky bilang nagbebenta ng siomai at may eksena sila ni Joshua dahil lahat ng karakter ay magkikita-kita sa LRT at talagang super-saya nito.


Kinikilig na kuwento ng dalaga, “Diyos ko, ano ba itong nararamdaman ko? Alam mo 'yun?


Naghahalo 'yung saya, ‘yung kilig. Siyempre, at the same time, nandu'n pa rin 'yung parang natsa-challenge ka.


“Kasi siyempre, Joshua ito, eh. Saka siyempre, ‘yung mga linya ng mga artistang naririto, hindi biro, alam n'yo 'yun?


“Sobrang gagaling ng mga artistang naririto. So, 'andun ‘yung challenge sa akin. Pero ginawa ko 'yung best ko talaga dito sa movie na ito. And ayun, sobrang masayang-masaya ako na naging part ako nito."


Malaki raw ang naitulong nina Ria Atayde at Victor Anastacio na co-stars niya sa Fruitcake kay Queenay.


“Actually, sa akin, ang nakapagbigay sa akin ng tip ay sina Victor, sina Ate Ria. Madami, halos lahat ng nakatrabaho ko, nagbigay ng advice sa akin. Na gawin ko lang daw 'yung best ko, and 'yung ipino-portray kong karakter, panindigan ko lang kung ano 'yung ibinigay sa akin ng direktor. Ayun, sobrang happy ako sa mga nakasama ko, and also, lahat talaga sila, nakatulong sa akin,” pahayag ng baguhang aktres.


Abangan ang barkada movie soon.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page