Puwedeng magtayo ng school sa loob ng subdivision
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 22, 2021
Dear Chief Acosta,
Mayroong isang taong nais magpatayo ng school sa loob mismo ng aming residential subdivision. Posible ba itong mangyari ayon sa batas? – Karen
Dear Karen,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong sitwasyon ay ang Section 10 (k) ng Republic Act No. 9904, o mas kilala sa tawag na The Magna Carta for Homeowners and Homeowners’ Associations, kung saan nakasaad na:
“Section 10. Rights and Powers of the Association. – An association shall have the following rights and shall exercise the following powers:
x x x
; (k) Subject to consultation and with the approval of a simple majority of the association members, allow the establishment of certain institutions such as, but not limited to, schools, hospitals, markets, grocery stores and other similar establishments that will necessarily affect the character of the subdivision/village in terms of traffic generation, and/or opening the area to outsiders which may result in the loss of privacy, security, safety, and tranquility to its residents, in accordance with the National Building Code, zoning laws, existing local ordinances, HLURB rules and regulations, and existing jurisprudence: x x x;” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit, maaaring magtayo ng mga establisimyento, tulad ng school, sa loob ng residential subdivision, kung makakukuha ang magpapatayo nito ng permiso mula sa homeowners’ association ng nasabing lugar. Kaugnay nito, maaari lamang na ibigay ang nasabing permiso kung makakukuha ang nasabing asosasyon ng pagsang-ayon ng simple majority ng mga association members para rito. Ibig sabihin, posibleng maitayo ang nasabing eskuwelahan sa inyong subdivision kung ito ay susunod sa nabanggit na batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments