Push na natin ang Midwifery Act — It’s long overdue
- BULGAR
- 4 hours ago
- 1 min read
ni Imee Marcos @Imeesolusyon | October 23, 2025

Mga beshie, mukhang overdue na talaga ang dagdag-sahod ng ating mga komadrona. Halos araw-araw silang nanganganak ng serbisyo, pero hanggang ngayon, sila pa rin ang pinakakulelat sa sahod!
Sa madaling sabi — sila ang tumutulong magluwal ng buhay, pero ang bulsa nila, walang mailuwal! Aray ko!
Kaya naman, isinusulong natin ang “Philippine Midwifery Act” — dahil panahon nang palakasin ang batas para sa ating mga komadrona.
Hindi biro ang trabaho nila. Sa bundok, sa baryo, sa gitna ng ulan o baha — sila ang literal na first responder tuwing may manganganak.
Pero ang kapalit? Mababang sahod, kulang sa benepisyo, at minsan, ni “thank you,” wala!
Sa ilalim ng panukalang ito, magkakaroon ng Board of Midwifery sa PRC — para siguraduhing may tamang training, lisensya, at karapatan ang ating mga midwife.
Ibig sabihin, hindi lang basta tagapaanak, kundi propesyonal na tagapagligtas ng buhay!
Kasama rin dito ang pagtaas ng sahod — hindi bababa sa Salary Grade 11 sa gobyerno, at hindi rin bababa sa minimum wage sa pribado.
Ang mga komadrona — sila ang tahimik na bayani ng bawat barangay.
Sila ang unang humahawak sa bagong buhay, at madalas, sila rin ang unang humaharap sa panganib.
Pero tila nakakalimutan ng gobyerno na may “life and death” din ang bawat shift nila.
Kaya baka naman, panahon nang i-labor na ‘to sa Kongreso — dahil kung ang mga ina ay may maternity leave, dapat ang mga komadrona naman, may delivery of justice!
Kung gusto nating ligtas ang bawat sanggol na isinisilang, siguraduhin din nating may maayos na kabuhayan ang mga kamay na unang humahawak sa kanila.
Agree?
Comments