Pulitikong may koneksyon sa mga kontraktor, tiyaking mailalantad
- BULGAR

- Oct 24
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | October 24, 2025

Sobra na ang pagkadismaya ng taumbayan sa kawalan ng hustisya sa bawat anomalya sa pamahalaan na nagbubunga ng unti-unting pagguho ng tiwala sa sistema.
Sa wakas, handa na ang Commission on Elections (Comelec) na isiwalat ang mga impormasyong may kinalaman sa mga campaign contributions ng mga kontraktor ng gobyerno sa mga kandidato noong 2022 at 2025 elections, isang paraan na maaaring magbigay-linaw sa matagal nang usapin tungkol sa pera at impluwensya sa halalan.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, handa silang makipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sa Office of the Ombudsman sa anumang imbestigasyon ukol sa mga kontribusyon ng mga kontraktor sa kampanya ng mga pulitiko sa eleksyon. Kung may hihilingin ang mga kagawarang ito, agad umano silang susunod dahil mandato ng mga ito ang pagsugpo sa mga katiwalian.
Batay sa pagsusuri ng Comelec sa mga Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs), apat na senador na nanalo sa 2025 elections ang umano’y nakatanggap ng campaign donations mula sa mga pribadong kontraktor. Bukod pa rito, natukoy din ang dalawang partylist group, tatlong congressional bets, isang national political party, at dalawang kandidato sa pagka-gobernador na posibleng tumanggap din ng pondo mula sa mga kumpanyang may transaksyon sa gobyerno.
Sa kabuuan, 14 na kandidato at partido ang konektado sa 26 na contractors. Gayunpaman, hinihintay pa ng Comelec ang kumpirmasyon mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kung ang mga nasabing kontraktor ay aktuwal na may kontrata sa pamahalaan bago tuluyang pangalanan ang mga ito.
Kaugnay nito, 54 pang contractors mula sa 2022 elections ang kasalukuyang bineberipika. Giit ni Garcia, malinaw na ipinagbabawal sa batas ang pagtanggap ng donasyon mula sa sinumang may kontrata sa ating gobyerno, isang paalala na ang public service ay hindi dapat nanggagaling sa mga may interes lamang sa kapangyarihan.
Kung tutuusin, isang positibong hakbang ito tungo sa tapat at mas transparent na halalan. Ang pagbubunyag ng ganitong impormasyon at paglalantad ng mga pangalan ng sangkot dito ay hindi lamang paglilinis ng Comelec kundi pagpapanumbalik din ng tiwala ng taumbayan. Dahil sa bawat pisong ibinubulsa o ipinapasok sa kampanya, naroon ang banta ng utang na loob at impluwensya sa desisyon ng mga nahalal na opisyal. Kaya sa mga pulitikong may koneksyon sa mga kontraktor, malapit-lapit na ring maparusahan.
Gayundin, ang hakbang na ito ng komisyon ay nagiging daan upang makuha ang hustisya para mapatawan ng parusa ang mga gahaman sa pulitika. Kung magtutuluy-tuloy ang ganitong transparency, baka sakaling maramdaman natin na may saysay ang ating pagboto, at may kinabukasan pa para sa malinis na halalan sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments